
Inamin ni Kris Bernal na nag-alala siya nang panay kontrabida roles na ang kanyang nakukuha mula sa pagiging bida na sa ilang teleserye.
Habang namimili ng alahas para sa nalalapit niyang kaarawan, naikwento ni Kris sa content creator at Maddox Jewelry owner na si Charo Cordial ang kanyang career journey, kabilang na ang pagtanggap ng kontrabida roles.
Ayon sa actress-TV host, noong una ay nahirapan siyang tanggapin ang pagbabago. Dumating din daw sa puntong nasaktan at kinuwestiyon ni Kris kanyang sarili.
"For me, mentally, mahirap siya. Parang naisip ko, teka lang, bida ako dati ah. Bakit hinihilera na nila ako sa kontrabida? Nalalaos na ba ako? Hindi na ba ako magaling umarte? Wala na ba akong dating? Hindi na ba ako nakaka-ratings" pagbabalik-tanaw niya.
Ngunit kalaunan ay napagtanto niyang mas mahalaga ang pagmamahal niya sa pag-arte kaysa sa laki ng papel na kanyang ginagampanan.
"Out of passion nga pala yung ginagawa ko. Gusto ko nga palang umarte. So, kahit bigyan mo ako ng kontrabida, as long as nare-release ko yung pagmamahal ko sa acting—yun ang habol ko pala.
“Ngayon ko lang na-realize yun. Kaya kahit anong role ang ibigay sa akin, kahit support lang ako, basta umaarte ako, masaya ako," aniya.
Pag-alala pa niya, “Sobrang hilig kong umarte. Bata pa lang umaarte na ako. Gusto ko talagang mag-artista. Nanonood ako ng mga teleserye, umaarte-arte ako sa salamin.
“Bumalik ako sa dream na yun na, 'Teka, kaya ko nga pala 'to ginagawa dahil gusto kong umarte.
“Hindi ko man naabot yung peak ng career ko, nagagawa ko pa rin ang gusto ko.”
Agad naman itong kinontra ni Charo at sinabing narating na niya ang peak ng kanyang showbiz career. Bahagi nito ang pagiging popular ng dati love team nila ng kapwa StarStruck graduate na si Aljur Abrenica.
Related gallery: Kris Bernal on acting after two-year break: 'Akala ko 'di na 'ko marunong umarte'
Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan sa showbiz, sinabi ni Kris na masaya siya sa kung nasaan siya ngayon, lalo na sa suporta ng kanyang asawa at sa pamilyang kanyang nabuo.
Sabi ni Kris, “Siguro sa akin, wala pa akong satisfaction or wala pa akong na-achieve. Pero kapag naiisip ko yun, nare-realize ko na siguro kaya hindi ko na-reach because nabigyan naman ako ni Lord ng magandang family life. At saka, alam mo yun, kahit may anak na ako, nagagawa ko pa rin yung gusto ko.”
Sabi pa niya sa huli, “Okay na sa akin yung nagsu-support-support ako kasi yung focus ko nasa family na.
Huling napanood si Kris Bernal bilang aktres sa GMA Afternoon Prime series na House of Lies. Napapanood din siya bilang host sa daily variety show na Tiktoclock.