
“Kung may iko-commend ako rito, walang iba kundi Si Elle.”
Iyan ang naging pahayag ng Makiling actor na si Kristoffer Martin para sa kaniyang co-star na si Elle Villanueva.
Kuwento pa ni Kristoffer sa interview nila kay Lhar Santiago sa Chika Minute para sa 24 Oras ay sinalo umano ng aktres ang buong show.
“Kung mapapanood n'yo lang po talaga, grabe 'yun pag-arte. Kami, bilib na bilib kami kay Elle. Grabe Elle, sinalo mo ang show. Sinalo talaga niya lahat, pramis,” sabi niya.
Unang inanunsyo ang pagtatambal muli nina Elle at ng Return to Paradise co-star niya na si Derrick Monasterio sa bagong serye noong July. Mapapanood sina Elle, Derrick, Kristoffer, Thea Tolentino, at Myrtle Sarrosa sa Makiling na mapapanood sa 2024.
Sa parehong interview kay Lhar, sinabi ni Elle na patuloy pa rin sila sa pagsali sa mga workshop at ayon kay Derrick, ay nagfo-focus muna sila ngayon sa serye.
“Focus lang po muna kami talaga sa show ngayon kasi hanggang March pa po kami alam ko magte-taping e,” pagbabahagi ng aktor.
Iikot ang kuwento ng Makiling sa mga pagsubok na pagdadaanan ng magkakababatang Alex at Amira, na gagampanan nina Derrick at Elle, dalawang bata na lumaki sa paanan ng bundok Makiling.
Isa si Kristoffer sa mga magiging kontrabida nina Elle at Derrick, kasama sina Myrtle, Royce Cabrera, Teejay Marquez, at Claire Castro na binansagan na "Crazy 5."
Sa hiwalay na interview, inamin ni Elle na nailang siya sa presence ng lima. Saad ng aktres, “Sa totoo lang po, malakas 'yung presence ng lima and I took it positively pa rin since makatutulong ito sa karakter ko para mas maging natural 'yung interaction ko sa kanila.”
SAMANTALA, TINGNAN ANG ILANG BEHIND-THE-SCENES PHOTOS MULA SA SET NG MAKILING SA IBABA.