
Isa na sa mga host noon ng morning show si Kuya Kim Atienza nang palitan niya ang batikang news anchor at weather presenter na si Ka Ernie Baron. Ngunit ayon sa TV host, malaki ang pressure na naramdaman niya nang makuha niya ang posisyon ng huli.
Sa vlog ng enterainment reporter at talent manager na si Ogie Diaz, inamin ni Kuya Kim na nagkakamali pa rin siya paminsan-minsan. Aniya, ito umano ang nagdulot sa kanya ng malaking pressure nang palitan si Ka Ernie.
“Nu'ng ang pinalitan ko si Ka Ernie Baron, hindi puwedeng magkamali kasi walking encyclopedia, [ang] daming tama. So ang expectation sa akin ng tao, 'Hindi rin nagkakamali 'yan,'” sabi niya.
Ngunit ayon kay Kuya Kim, imposible ito dahil wala namang taong hindi nagkakamali. Sa halip, dapat ang tao ay nag-a-upgrade at nag-i-improve ng sarili. Para sa kanya, isang paraan para malaman kung ano ang dapat i-improve sa sarili ay pakikinig sa feedback.
“Siyempre tumatawag ako sa mga taong mas matagal na sa akin sa industriya. May mga mentor ako na tumutulong sa akin at nagko-correct sa akin kung ano'ng dapat kong gawin,” sabi niya.
Bukod sa kanyang pagho-host ng TiktoClock, kilala rin si Kuya Kim sa pagsagot ng trending topics sa social media, o kaya naman ay pagbahagi ng bagong mga kaalaman. Ngunit ayon sa kanya, marami na rin ang sumisita at nagtatama sa kanya tungkol dito.
BALIKAN ANG BUHAY NI KIM ATIENZA SA 'MAGPAKAILANMAN' SA GALLERY NA ITO:
“May mga tao talaga na ang hobby talaga, maghintay na magkamali ako. 'Kailan kaya magkakamali si Kim?' Lalo na sa X, lalo na sa Twitter, pag nagkagkamali ka sa X, naku! Tatlong araw kang trending,” sabi niya.
Dagdag pa niya, noong nagsisimula pa lang siya ay wala pa namang social media kaya't hindi sila basta naba-bash o nako-correct ng mga tao. Ngunit ngayong marami nang gumagamit ng iba't ibang platforms, ayon kay Kuya Kim, ang pag-correct sa kanya, “Instant!”
“You get called out two minutes after you say it. Two minutes after you say it, meron na kaagad sa Twitter, lalo na sa X. 'Pag sinabi mo, 'pag tingin mo du'n, trending ka na, hindi mo alam kung bakit,” sabi niya.
Pero nilinaw ni Kuya Kim na hindi siya humihingi ng sorry para sa mga facts na nasabi niya lalo na kung meron naman credible sources ito. Sa halip, humihingi lang siya ng tawad kapag nakasakit siya.
“'Yung pagso-sorry naman, hindi naman kahulugan na mali ka e, puwede kang mag-sorry na nakasakit ka, whether you like it or not. Du'n ako nag-sorry. Pero du'n sa sinabi kong mga facts, those are facts, those are based on science,” paliwanag niya.
“When you say sorry, you say sorry because nakasakit ka, 'yun lang 'yun,” dagdag ni Kuya Kim.