GMA Logo Kim Atienza
What's on TV

Kim Atienza, hindi natanggap sa halos 20 auditions bago maging artista

By Jimboy Napoles
Published March 30, 2023 7:26 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Rodrigo Duterte’s fitness to stand ICC trial to be determined by January – Conti
First Airbus A350-1000 in Southeast Asia arrives in the Philippines
Sarah Discaya, 8 others detained at jail in Mactan, Lapu-Lapu City

Article Inside Page


Showbiz News

Kim Atienza


Dahil sa kagustuhang maging artista, maraming beses na sinubukan ni Kim Atienza na mag-audition sa mga commercial.

Noon pa man, pangarap na umano ni Kim Atienza o kilala rin bilang si Kuya Kim ang maging artista at mapanood sa TV kung kaya't ginawa niya ang lahat upang matupad ito.

Sa March 30 episode ng Fast Talk with Boy Abunda, masaya ang naging usapan ng TV host na si Boy Abunda at ni Kuya Kim.

Bago pa man makilala bilang mga artista, matagal nang magkilala sina Boy at Kim dahil sa pagkikita nila sa Metropolitan Theater noon.

Sa kanilang panayam, pinag-usapan nila kung paano trinabaho ni Kuya Kim ang kaniyang pagpasok sa mundo ng telebisyon.

Ayon kay Kim, naiinggit siya noon kay Boy dahil nagawa na nitong mapanood sa TV.

“Noong una kitang nakilala noong 1990s inggit ako sa'yo kasi lumalabas ka na sa TV noon e.

Sabi ko, 'Parang gusto kong maging Boy Abunda rin,'” sabi ni Kim.

Dagdag pa niya, “Hindi ko kinaila 'yan, makapal ang mukha ko to say, 'Gusto kong maging TV star.' I've wanted to be on TV ever since.”

Dahil sa kagustuhang maging artista, sinubukan din ni Kuya Kim na mag-audition sa mga commercial.

Aniya, “In college, ang daming mga go-see niyan for commercials e, kahit commercial papatulan ko basta [lalabas] sa TV.”

Pero sa kasamaang palad, sa halos dalawampung audtions na kaniyang sinalihan, ay wala ni isa ang kumuha sa kaniya.

“Hindi ako natanggap, kahit na isa,” ani Kuya Kim.

Pero ayon sa Kuya ng Bayan, naging daan naman ang kaniyang pag-o-audition sa commercial upang maging voice talent.

“Ang sabi sa akin, 'ang ganda ng boses mo,' mag-audition ka as voice talent,” ito raw ang naging pampalubag loob ng mga pinuntahan niyang commercial.

Hindi naman nabigo si Kim at naging dubber at voice talent nga siya ng ilang sikat na anime na ipinapalabas noon sa bansa gaya ng Voltes V, Daimos, at Red Mask.

Mula sa pagiging voice talent, nadiskubre noon si Kuya Kim bilang papalit na weather forecaster sa isang news program nang mamaalam ang sikat na brodkaster na si Ernie Baron.

Samantala, mapapanood ang life story ni Kuya Kim sa #MPK o Magpakailanman ngayong Sabado, April 1, 8:00 p.m.. Ang Kapuso actor na si Ken Chan ang gaganap bilang si Kuya Kim.

Patuloy naman na mapapanood si Kuya Kim sa TiktoClock sa GMA Network at sa livestream sa GMA Ntwork YouTube channel at TiktoClock Facebook page, Monday to Friday, 11:15 a.m. Mapapanood din siya sa newsmagazine program na Dapat Alam Mo!, weekdays, 5:30 p.m., sa GTV.

Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.

MAS KILALANIN SI KUYA KIM ATIENZA SA GALLERY NA ITO: