
Ibang Kween Yasmin ang mapapanood tuwing gabi ng Kapuso viewers dahil makakasama rin siya sa action GMA Prime series na Black Rider.
Gagampanan niya ang ang karakter na si Marie, ang kaibigan ng mga bida ng programa katulad ni Vanessa Bartolome (Yassi Pressman).
Kamakailan lang bumisita si Kween Yasmien sa GMA morning show na Unang Hirit, kung saan ibinahagi ng influencer ang kaniyang experience sa taping.
Base rito, marami siyang natutunan sa set katulad ng basic reminders ng mga artista at ang tamang pag-arte on camera.
Aniya, "Dapat alam niyo po 'yung linya niyo po, mga bawat eksena niyo po kailangan kabisaduhin po. Kailangan alam mo kung saan ka pe-puwesto po. Dapat hindi ka lilikod sa mismong camera."
Thankful din daw si Kween Yasmin sa mga direktor at staff ng series. Dahil first time niyang sumabak bilang aktres, marami raw siyang pagkakakmali at dapat matutunan on set. Kaya naman grateful siya sa production crew ng Black Rider dahil madalas nilang tinutulungan siya sa kaniyang scenes.
"Sobrang saya po. Sobrang gaan po yung pakiramdam po na nandoon po sila tapos gina-guide po nila po ako kapag po may namamali po ako na way po. Kasi po pagka madaling araw na po pag naabutan po ng madaling araw na po, minsan nawawala po pero kabisado ko naman po (ang eksena at) gamay ko naman po," sabi niya.
Maliban sa kanilang kuwentuhan, ipinamalas din ni Kween Yasmin ang kaniyang spoken word poetry skills sa studio. Sumabak siya sa "Tula-Rawan" challenge, kung saan on the spot niyang ginawan ng tula ang mga imahe na ipapakita on screen.
Kasama niyang ginawan ng tula ang Primetime Action Hero na si Ruru Madrid. Ang kaniyang tula para sa Kapuso actor ay kinaaliwan ng netizens pati ang mga host sa morning show.
Tinula niya, "Ruru Madrid, Ruru Madrid, ikaw ay naglalakbay sa bawat na pagtungo mo. Kahit saan ka man maglakbay, kaya ikaw ay ingat sa iyong lalakbayin kasi ikaw ang inaasahan na mga mahal mo sa buhay. Ruru Madrid, Ruru Madrid, ikaw ang bread winner, and I, thank you."
Mapapanood si Kween Yasmin sa Black Rider, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime. May simulcast ito sa digital channel na Pinoy Hits at may delayed telecast naman sa GTV, 9:40 p.m. Maaari rin itong mapanood via livestream sa Kapuso Stream.