
Maikli man ang naging special participation ni Kapuso actress Kylie Padilla sa full action series na Black Rider, talagang tumatak naman ito sa mga manonood.
Gumanap siya rito bilang Bernice, ang asawa at inspirasyon ng bidang si Elias Guerrero, karakter ng mabuti niyang kaibigan na si primetime action hero Ruru Madrid.
Matapos ang emosyonal na eksena ng pagpaslang sa kanyang karakter, wala naman pag-aatubili si Kylie na humiga sa isang kabaong para naman sa eksena ng kanyang burol.
Sa isang maikling behind-the-scenes video na ibinahagi ng Black Rider, makikitang nakangiti pa si Kylie nang buksan ang kabaong matapos i-shoot ang eksena.
Nagtutulungan ang ilang miyembro ng produksiyon ng serye para ibaba ang kabaong mula sa stand nito para makalabas ni Kylie.
"Sure kayo? Ang bigat ko eh. Dito na ko bababa," sabi ng aktres
Ang Black Rider ay kuwento ng isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.
Sa pangalawang linggo nito, nakabalik na si Elias mula sa ilang buwang pagsasanay sa ilalim ni Mariano (Phillip Salvador).
Makikita niya sa 'di inaasahang pagkakataon si Jasper (Joem Bascon), ang isa sa mga taong pumatay sa kanyang pamilya.
Sumama sa biyahe ng full action series na Black Rider, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.
May simulcast ito sa digital channel na Pinoy Hits at may delayed telecast naman sa GTV, 9:40 p.m.
Maaari rin itong mapanood via livestream online sa Kapuso Stream.