
The long wait is over para sa mga tagahanga ng tambalan nila Kyline Alcantara at Miguel Tanfelix.
Mamayang gabi kasi ay mapapanood na ang “#Future,” and second feature ng Kapuso mini-series na I Can See You.
Aminado si Kyline na maging sila ni Miguel ay nagulat sa naging reaksyon ng fans at sa excitement na ipinakita ng mga ito base na rin sa mga comments, likes, at shares sa social media.
Partikular na binanggit ni Kyline ang naging viral pictures nila ni Miguel na kuha sa set ng #Future.
Ang larawan na kung saan magkatabi ang dalawa at parehong nakatingin at nakangiti sa camera ay humakot ng maraming kilig at likes sa Kyguel fans.
Sa kasalukuyan ay umabot na sa mahigit 700,000 likes ang picture na naka-upload sa GMA Drama Facebook page.
“I'm really, really happy na nagkaroon kami ng fans ni Miguel together, nagulat ako sa kanila,” sabi ni Kyline nang humarap sa media ang cast ng #Future kamakailan.
“I'm really happy to be working again with Miguel kasi it's fun to work with him,” dagdag ni Kyline.
Dati nang nagkatrabaho ang dalawa kaya hindi naging mahirap sa kanila ang mag-adjust sa isa't-isa pagdating sa set.
Ngunit inamin ni Kyline na hindi pa rin maiaalis ang konting ilangan o awkwardness nung umpisa dahil na rin sa nakaraang isyu na ipinukol sa kanila noon.
Matatandaan na si Kyline ang itinurong dahilan kung bakit naudlot ang nabalitang pagkakamabutihan nila Miguel at fellow Kapuso star na si Bianca Umali.
Nagkasama ang tatlong stars sa GMA-7 primetime series na Kambal Karibal na ipinalabas noong 2017 hanggang 2018.
Dati pa man ay itinanggi na ni Kyline na may kinalaman siya sa kinahinatnan ng relasyon ni Miguel kay Bianca.
Muling pinabulaanan ni Kyline ang isyu at 'yon din naman daw ang dahilan kung bakit mabilis din nawala ang ilangan nila ni Miguel during the shoot.
“Alam naman namin talaga 'yong mga nangyari, kung ano talaga 'yong mga nagawa at hindi nagawa so nawala ['yong awkwardness]. Kasi alam naman naming 'yong totoo,” dagdag pa ng magandang aktres.
Masaya rin si Miguel sa reception ng fans sa kanilang pagtatambal. Ibig sabihin daw nito ay may nakita ang kanilang mga tagahanga sa tambalan nila enough para suportahan sila ng mga fans.
Inilarawan ni Miguel si Kyline as “very professional” at “masaya siyang kasama off-cam. Masaya ako na katrabaho siya.”
Pagdating naman sa estado ng kanilang love life ay parehong naging matipid ang kanilang mga sagot. Kapwa naman daw silang masaya.
“Happy rin ako. Hindi ako sad o brokenhearted. Basta happy ang heart ko,” sagot ni Miguel.
Panoorin ang I Can See You: #Future simula ngayon gabi, April 5, 8:50 p.m., pagkatapos ng First Yaya sa GMA-7, GTV, at Heart of Asia.
Samantala, tingnan ang behind-the-scenes photos ng #Future sa gallery na ito: