
Isa ang Asia's Nightingale na si Lani Misalucha sa kilala at premyadong singers ng bansa kaya marami ang nagulat nang mag-migrate siya sa Amerika noong 2003. Pero ayon sa singer, naging exciting at humbling naman ang naging experience niya sa ibang bansa.
Sa interview ni Lani sa Updated with Nelson Canlas podcast, inamin nito na hating hati ang oras niya bilang isang singer at isang nanay bago sila umalis ng bansa.
“Nung time na 'yun, ang liliit pa ng mga anak ko, 10 and a half years old at saka yung isa mag-13. Parang feeling ko hindi ko sila natuunan ng atensyon,” pagbabahagi ng singer.
Dagdag pa nito, “So it was really very crucial for all of us. I mean you know, lumalaki 'yung mga bata, wala 'yung full attendance ko sa kanila.”
Ayon kay Lani, 2003 pa lang ay nagdesisyon na siyang magretiro sa pagkanta. Ngunit pagdating nila sa US ng asawa niyang si Noli at mga anak nilang sina Lian at Louven, nagsimula ulit siyang mag-perform.
KILALANIN PA SI LANI SA PAMAMAGITAN NG MGA FUN FACTS SA GALLERY NA ITO:
Pagbabahagi ng Asia's Nightingale, “Ang naging routine ko noon, namin ng pamilya, trabaho ko five times a week. Si Papa Nols and I would wake up in the morning and then we would bring them to school.”
“And then I'll go back home and then magluluto ako, prepare for their lunch when they get back home. And pupunta na ako sa trabaho and then si Noli would pick them up from school,” pagpapatuloy nito.
Ikinuwento din ni Lani kung papaanong minsan, pagkatapos ng show niya, ay kailangan pa niyang mamalengke nang naka-make up bago umuwi. Minsan pa ay may nakakita sa kanya sa grocery na isa sa mga nanood ng show niya ng gabi ding iyon.
“It's really an exciting life here, totoo yan, it's also humbling. Kasi no'ng lumipat kami dito, talaga kaming apat lang, alam mo yon, kaming apat lang. Si Papa Nols, ako, saka dalawa kong anak,” sabi nito.