
Emosyonal na ikinuwento ni Asia's Nightingale na si Lani Misalucha sa Fast Talk with Boy Abunda ang kaniyang pinagdaanan nang unti-unti siyang mawalan ng pandinig dahil sa pagkakaroon ng bacterial meningitis.
Matatandaan na taong 2020, matapos ma-heart attack ang kaniyang asawa na si Noli ay dinapuan naman sila ng life-threatening illnesss na bacterial meningitis na nagdulot sa kanila ng vestibular dysfunction o pagkabingi.
Kuwento ni Lani sa kaibigan at TV host na si Boy Abunda, tila kinuwestiyon niya na noon ang kaniyang kakayahan sa pag-awit dahil nararanasang sakit.
Aniya, “Napaka-terible, napaka-terible noong pakiramdam na, 'Paano ako kakanta kung sarili kong boses hindi ko na naririnig?”
Hirap na hirap umano noon si Lani na intindihin ang kaniyang mga katrabaho dahil hindi niya na naririnig ang mga sinasabi ng mga ito.
'''Yung time na 'yun noong bumalik ako sa All-Out Sundays, nakapag-taping din ako ng The Clash noon, alam mo 'yung parang tinatakpan 'yung bibig mo, mayroon kang naririnig na sound pero hindi mo naiintindihan 'yung sinasabi ng mga tao,” saad ni Lani.
Ayon pa sa batikang singer, hindi niya alam noon na sintunado na pala siya nang minsan siyang mag-perform para sa isang Christmas concert.
“So kumanta na nga ako doon sa Christmas concert ng The Clash noong 2020, hindi ko alam na sintunado pala ako. Alam mo 'yun? Na hindi ko nahi-hit 'yung mga notes ko.
“Noong nakalabas na kami ng ospital ni papa Noli, sinubukan kong manood ng TV pero hindi na ako interesado kasi lahat nga ng pandinig namin noon distorted at saka static lang,” anang singer.
Dagdag pa niya, “I even told myself, kung ganito rin lang bakit pa ako kakanta?”
Sa ngayon ay may mga paraan na ring ginagawa si Lani upang patuloy na makakanta sa kabila ng pagkawala ng pandinig sa isa niyang tainga.
“Makakagawa pa rin naman ako ng paraan because it's just a matter of how you treat your current situation,” ani Lani.
Pero aminado rin si Lani na hindi na rin katulad ng dati ang rehistro ng kaniyang pag-awit dahil sa sakit.
“Sa totoo lang hindi na katulad ng dati, medyo nahihirapan na ako kasi dati marami akong little nuances mga dynamics here and there, minsan hindi ko na nagagawa yun kasi hindi ko na nga siya naririnig,” saad pa ni Lani.
Hindi na rin umaasa ang singer na babalik pa ang kaniyang pandinig, at nagpapasalamat na lamang siya sa ibang mga blessing na dumadating sa kaniyang pamilya.
“There are many amazing and beautiful things happening in our lives, bakit pa ako magko-complain 'di ba?” ani Lani.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SAMANTALA NARITO ANG ILAN SA FUN FACTS PATUNGKOL KAY LANI MISALUCHA: