
Halos tatlong taon nang magkarelasyon sina Sparkle stars Lexi Gonzales at Gil Cuerva. Kaya naman, tanong ni King of Talk Boy Abunda sa aktres, handa na kaya itong magpakasal?
Sa pagbisita ni Lexi, kasama ang kaniyang Cruz vs. Cruz co-star na si Kristoffer Martin sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes (July 22), kinumusta ng batikang host ang aktres kung nasaan na ang relasyon nila ni Gil ngayon, kung pag-uusapan ang kasal.
Sagot ni Lexi, “I think we're far. We're far from marriage and all, although we want our relationship to go somewhere, definitely. But I think we're just at a place right now where hindi pa namin kaya.”
Pinag-uusapan naman nila ang kasal, ayon kay Lexi, at sinabing nag-a-adjust sila sa isa't isa habang tumatagal ang kanilang relasyon.
“Kasi nagbabago talaga ang buhay. Constant communication lang na 'alam mo, I need you to be ike this ngayon kasi I'm at this point in my life.' Ganu'n din siya, palitan lang kami ng energy,” sabi ng aktres.
Samantala, hiningan din ng batikang host si Kristoffer ng payo para kay Lexi pagdating sa pagpapakasal. Sagot ng singer-actor, “'Wag pilitin, darating.”
Kuwento ni Kristoffer, akala umano nila ng asawa niya ngayon na si AC Banzon ay handa na silang magpakasal noong una silang ma-engage. Hindi nila inasahan na may mga bagay na kailangan munang mangyari para mas makita nila kung gaano kaimportante ang isa't isa.
“Kasi Tito Boy, before kami ikasal, na-engage na kami before. Tapos plano-plano kami ng ganiyan, nag-aaway na kami kasi hindi kami makagawa ng [plano], 'Paano tayo ikakasal? Sino mga invites natin?' ganiyan-ganiyan. Tapos may nangyari nu'ng gitna sa amin, nawala kami,” pagbabahagi ni Kristoffer.
Ngunit noong subukan nila muling magplano ng kasal ay naging mas madali na, at naramdaman umano nilang mas sincere na ang kanilang kasal.
“Kasi before, 'pag nag[paplano] kami, kailangan may invites na ganito, ganito, ganito. Kumbaga, 'yang iniisip namin before, ikinakasal kami, para sa tao. Pero nu'ng kinasal kami ng time namin, ng hindi namin pinilit. 'A, kinasal tayo kasi gusto natin,'” pagbabahagi ng aktor.
SAMANTALA, BALIKAN ANG SPECIAL WEEKEND NINA LEXI AT GIL SA HONG KONG NOONG 2024 SA GALLERY NA ITO: