
Aminado si Sparkle actress Lianne Valentin na hindi niya naiwasang kabahan sa unang eksena niya kasama ang multi-awarded actor na si Tirso Cruz III.
Ayon kay Lianne, unang eksena pa lamang niya sa batikang aktor ay mabigat na kaagad ang mga tagpo.
Sa Royal Blood, gumaganap si Lianne bilang Beatrice, ang materialistic at superficial na bunsong anak ng business tycoon na si Gustavo Royales, na binibigyang buhay naman ni Tirso.
"'Yung first scene ko with Tito Pip (Tirso) na ginawa, inaaway ko siya tapos dadambahan ko siya. Tapos nu'ng papunta na kami sa set, nanginginig na talaga ako like literal kasi parang hindi ko yata kaya na dambahan si Tito Pip," kuwento ni Lianne.
Dagdag niya, "Pero may assurance from Tito Pip na talagang just do whatever you feel, kung ano makagaganda sa eksena and sasabayan kita, sasaluhin kita. Doon ko na-feel 'yung safety.
"And nu'ng ginawa namin 'yung eksena na 'yun nagulat lang ako du'n sa moment to moment na napi-feel ko working with Tito Pip. Talagang doon ako na-amaze. Kapag talagang very committed ka and very open ka with what you do, and you really feel the passion and love sa ginagawa mo, talagang you'll do wonders.
"As in, magugulat ka na moment to moment like every scene, ang dami kong natututunan, ang dami kong napi-feel. And sobrang napu-fuel nun 'yung drive, 'yung passion mo for this craft. Hindi lang with Tito Pip but with everyone dito sa cast na 'to.
"Sobrang nae-excite pa akong matuto. I really love what I'm doing. I really love this craft and sobrang naa-amaze ako how deep it is. Ang dami mo talagang matututunan not just sa industriyang ito, sa craft na 'to, pero sa sarili mo rin. Sobrang exciting."
Para kay Lianne, may kaba man pero mas nangingibabaw ang excitement niya dahil ito ang unang beses na gagawa siya ng isang murder mystery na serye.
"May kaunting kaba pero more on excited talaga ako dahil this is like first time na na-experience ko 'yung ganitong klaseng show, murder mystery. Naalala ko before kapag tinatanong ako kung ano 'yung like dream role ko or like genre na gusto kong ma-experience pagdating sa isang teleserye, sabi ko, 'murder mystery.' Hindi ako makapaniwala na ito na siya," sabi ng aktres.
Patuloy na subaybayan si Lianne sa Royal Blood, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.
Mapapanood din ang Royal Blood sa Pinoy Hits, I Heart Movies, GTV (10:50 p.m.), at naka-livestream din sa GMANetwork.com.
TINGNAN ANG ILANG BEHIND-THE-SCENES PHOTOS NI LIANNE VALENTIN SA ROYAL BLOOD DITO: