
Maging ang beteranong entertainment writer at talent manager na si Lolit Solis ay hanga sa performance ng female cast ng hit GMA primetime series na Love Of My Life na sina Carla Abellana, Rhian Ramos, at Coney Reyes.
Pero higit siyang bumilib kay Rhian, na gumaganap bilang Kelly sa serye, dahil sa kanyang "delivery ng dialogue at facial expression."
Paglalarawan ni Lolit sa performance ng aktres, "Subdued acting, hindi over the top, hindi hysterical, kaya damang-dama mo iyon feelings niya, iyon pain, galit."
Maging ang pananamit ni Rhian ay pinansin ng talent manager/host dahil aniya, "para siyang modelo talaga."
Kadalasan ay sariling sikap ang cast ng serye sa pagpili ng kanilang susuotin sa kanilang mga eksena dahil binawasan ang tao sa set, kabilang ang mga stylist at makeup artist, habang nasa lock-in taping para ma-maintain ang social distancing.
Dagdag pa ni Lolit, good decision daw na pinili ni Rhian na manatiling Kapuso. Noong February 19 ay nag-renew ng kontrata ang Filipino-British actress sa GMA.
Aniya, "Sayang kung pawawalan ang isang talent na tulad ni Rhian Ramos, madali siyang ilagay sa kahit anong project, romcom, comedy, drama. At very professional pa. Saka madaling kausap si Michael (talent manager ni Rhian), kaya sure ako malayo pa mararating ni Rhian Ramos. Bongga."
Taong 2006 nang masungkit ni Rhian ang kanyang first TV project kung saan gumanap siya bilang leading lady ni Richard Gutierrez sa action fantasy series na Captain Barbell.
Mula noon, sunod-sunod na ang pagbibida ni Rhian sa telebisyon. Kabilang riyan ang Lupin, LaLola, Zorro, Stairway To Heaven, Ilumina, Genesis, Sinungaling Mong Puso, at The One That Got Away.
Higit pang nakilala si Rhian nang itambal siya kay Glaiza De Castro sa LGBT-themed series na The Rich Man's Daughter kung saan gumanap sila bilang magkasintahan noong 2015.
Samantala, noong Disyembre natapos ang lock-in taping ng current show ni Rhian na Love Of My Life. Nakatakdang magtapos ang GMA Telebabad series ngayong Biyernes, March 19.
Samantala. tingnan sa gallery na ito kung ano ang pinagkakaabalahan ni Rhian ngayong quarantine.