
Umalma ang Kapuso Primetime Queen at box office queen na si Marian Rivera dahil sa pekeng art card patungkol sa kanyang biyenan, ang ina ng asawa niyang si Dingdong Dantes.
In-upload ito ng entertainment page na Tea Pa More sa Facebook at viral na ngayon matapos makakuha ng 130,000 reactions at 20,000 shares sa nasabing social networking site.
Sa art card, sinabi rito ang pagiging masuwerte ni Marian sa kanyang biyenan sa gitna ng isyu ng celebrity breakups kung saan usap-usapan ang pangingialam ng isang ina sa personal na buhay ng kanyang anak na lalaki.
"Kaway-kaway sa mga swerte sa biyenan! Hindi man sweet sa social media, pero mabait, concern sayo at sa mga bata, di sinusulsulan ang mga anak nilang lalake, at mahal ka rin na parang totoong anak niya," sulat sa art card.
Sa unang tingin, mapagkakamalang kinuha ito mula sa X (dating Twitter) account ni Marian. Pero, sa katunayan, walang account sa X ang aktres.
Minanipula ang tweet na parang bang si Marian ang nag-post. May blue check sa tabi ng pangalan ni Marian na maaaring makalinlang na isa itong verified account.
Sa ilalim ng text, nilagyan pa ng detalye kung anong oras at kailan ito ipinost at ang bilang ng views nito.
Bagamat positibo ang mga salitang nakasulat dito, pinaalala ni Marian na hindi niya ito sinabi at nanawagan na itigil na ang pag-e-edit ng statement sa ngayo'y deleted Instagram story niya.
"Hindi ko 'to sinasabi. Bakit ba may taong hilig mag-edit!!! Nakakarami na po kayo. Tama na!" pakiusap ni Marian.
Matatandaang naging biktima rin si Sarah Lahbati ng manipulated post sa social media sa kasagsagan ng hiwalayan nila ng asawang si Richard Gutierrez.
Nanindigan si Sarah na "fake news" ang kumakalat na art card na in-edit para pagmukhaing siya ang nag-post nito na naglalaman ng pag-insulto niya sa ina ni Richard na si Annabelle Rama.