
Nagbabalik-telebisyon si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera para sa isa na namang kakaibang role na kanyang gagampanan.
Sa report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras noong Miyerkules, April 15, opisyal na inanunsyo ang exciting comeback ni Marian sa upcoming series na Behind Closed Doors. Ito ay ididirehe ni Dominic Zapata at mapapanood sa GMA at Prime Video.
Ibinahagi ng aktres na kakaiba ang proyektong ito kumpara sa kanyang mga nagawa dahil gaganap siya bilang isang mistress at journalist.
“Ang gandang pasukin ng mundo na hindi ko pa nagagawa. Marami akong kailangang pag-aralan dahil sabi ko nga, first time ko [gaganap] bilang journalist.
"So, 'yung mga malalapit sa buhay ko parang ikaw [Aubrey Carampel], kailangan ko kayo i-observe, pag-aralan, at kung paano ba talaga ang tama para makahubog ako ng character,” sabi ni Marian.
Dagdag pa niya, "Ang ganda ng project. Sabi ko nga, hindi lang 'yung character ko. Parang halos lahat ng character, may puso at may malalim na connection sa bawat isa."
Ikinuwento rin ni Direk Dominic na kinausap niya ang asawa ni Marian na si Dingdong Dantes para sa karakter ng aktres, at ang aktor rin umano ang nagkumbinsi sa kanyang misis na tanggapin ang proyekto.
“Kinausap ko si Dong. Dong, kumbinsihin mo si Yan na gawin 'yung proyekto na 'to. Napakaganda. So, ayun buti pumayag si Yan,” bahagi ng direktor.
Dagdag pa niya, “Very offbeat for her as Marian dahil mistress siya rito at hindi lang basta mistress, mistress ng Presidente ng Pilipinas.”
Looking forward din si GMA Network Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes sa bagong proyekto ng aktres.
“Tsaka na ire-reveal 'yung plot and everything. Pero, it is a very exciting concept,” pahayag niya.
Samantala, mapapanood din si Marian sa Stars on the Floor 2026 bilang head ng dance authority tuwing Linggo, 7:00 p.m. sa GMA, Kapuso Stream, at GMA Pinoy TV.
Panoorin ang buong panayam dito:
RELATED GALLERY: TRIVIA: The many achievements of Marian Rivera