
Malapit na ang pagbabalik sa GMA Prime ng Kapuso Primetime at Reigning Box Office Queen na si Marian Rivera sa upcoming series na My Guardian Alien.
Sa isang panayam kasama si Aubrey Carampel para sa 24 Oras, ibinahagi ni Marian ang kanyang karanasan sa pagganap bilang isang alien.
Kuwento niya na nahirapan siya sa simula dahil kailangan lamang niyang gumawa ng mga galaw at expressions upang maipakita ang kanyang karakter.
"Sabi ko nga kay Direk, mas mahirap pala na walang lines kaysa sa nagsasalita. Kasi ang hirap talaga, hindi ka maka-react na may nangyayari, kailangan puro kamay, puro ulo, parang puro ganun nung una. Pero siyempre habang nagtatagal, nagkakaroon na siya [ang karakter ko] ng pakiramdam. Nalalaman niya na kung ano ang ibig sabihin ng tao so unti-unti nagkakaroon na siya ng reactions," pahayag ni Marian.
Matagal man nagpahinga ang Kapuso actress sa pagganap sa mga teleserye, siniguro ni Marian na magiging kaabang-abang ang kanyang pagbabalik. Kaya nga raw pinili niya ang nakakaaliw na programa na My Guardian Alien para sa kanyang comeback project.
Ipinagmamalaki ni Marian ang nasabing palabas, na inilarawan niyang "Very light siya at pang pamilya at sigurado ako kahit anong age mo makaka-relate ka."
Kamakailan lamang, ginanap ang kanilang media conference kasama ang iba pang mga artista ng palabas tulad nina Gabby Concepcion, Raphael Landicho, Max Collins, at Gabby Eigenmann.
Kuwento ni Gabby, masaya at masarap makatrabaho si Marian, at tila rin na siya talaga ang nanay sa set.
"Masarap kasama 'yan dahil palaging nagpapakain 'yan. Napaka-generous niyan. Talagang ano siya, nanay sa pamilya talaga, lahat pinapakain niya. So Marian, maraming salamat sa iyong kabaitan, sa aming lahat," sabi ni Gabby.
Ang My Guardian Alien ay idinirehe ng award-winning director na si Zig Dulay at ipapalabas na siya sa GMA Prime ngayong April 1.