
Hindi napigilan maluha ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera nung inalala niya ang mga panahon noong wala ang mga magulang niya sa kaniyang tabi.
Sa interview ni Jessica Soho kay Marian para sa Kapuso Mo, Jessica Soho, sinabi ng Kapuso star na ang isang bagay na gusto niyang maranasan ng mga anak niyang sina Zia at Sixto ay ang presensya nilang mag-asawa niyang si Dingdong Dantes. Ayaw niya kasing maranasan ng mga ito na mahiwalay sa mga magulang, isang bagay na naranasan niya noon.
“Yun talaga 'yung dream ko, na nandyan kami ni Dong for the kids kasi even Lola nandyan, si Nanay, wala akong reklamo. Pero iba pa rin 'yung nanay at tatay,” sabi niya.
Inamin din ng batikang aktres na naranasan lang niyang nandiyan ang nanay niya na si Amalia Rivera matapos ang serye niya noon na Marimar kung kailan 22 taong gulang na siya.
“Nasabi ko 'Mom, it's about time. Kung talagang love mo 'ko, uwi ka ng Pilipinas, kailangan kita,'” kuwento niya.
Dagdag pa ng aktres ay sinabihan daw niya ang nanay niya na kailangan niya ang guidance nito nang pinasok niya ang pag-aartista, at ipinangako naman nito ang kaniyang pag-uwi.
Sinabi rin ni Marian na naging madali ang pagpili niya ng pamilya kaysa sa trabaho niya dahil iyon ang prayoridad niya.
“Hindi naging mahirap para sa'kin na mas piliin 'yung mga anak ko kaysa magtrabaho kasi priority ko na maranasan nilang nandito ako tsaka si Dong para sa kanila,” saad niya.
Ipinanganak noon si Marian sa Madrid, Spain. Nagpakasal ang mga magulang niya pero kalaunan ay naghiwalay din, at inuwi siya ng nanay niya sa Pilipinas. Hindi nagtagal ay kinailangan ng nanay niya na bumalik sa ibang bansa para ipagpatuloy ang trabaho at simula noon ay ang lola na niya ang nag-alaga sa kaniya.
Sa isang documentary, inihayag naman ni Mommy Amalia ang kanyang pag-hanga sa anak sa pag-aalaga nito kina Zia at Sixto. Inamin din niyang kahit hindi magsalita ang aktres, ay alam niyang may tampo ito sa kaniya.
Sinabi naman ni Marian na naging thankful siya sa lola niya dahil hindi nito hinayaan na magtanim siya ng sama ng loob sa mama niya.
Sinabi rin ng aktres na nakabawi na ito sa kaniya sa pag-uwi nito sa Pilipinas.
“Sabi ko nga kay Dong, nakabawi na si mama kasi 'pag may trabaho ako, si mama po ang nandito, siya po ang nag-aalaga sa mga anak namin,” sabi niya.
Dagdag pa nito, “Sabi ko 'Ma, bawing-bawi ka na.'”
Masasabi ni Marian na she's living the dream dahil marami sa kaniyang pangarap ang natupad.
“Pangarap na ganitong pamilya, pangarap na magkabahay, at siguro 'yung perfect e 'yung perfect husband talaga,” sabi nito.
TAKE A LOOK AT THE BEAUTIFUL FAMILY OF DINGDONG AND MARIAN: