
Nagdadalamhati ngayon ang aktres at tinaguriang Diamond Star na si Maricel Soriano dahil sa biglaang pagpanaw ng kanyang itinuturing na pangalawang magulang at long-time stylist na si James Cooper, kahapon, araw ng Linggo, May 29.
Naging bahagi si James ng pag-uumpisa at pagsikat ni Maricel bilang isang artista at ngayon ay isa na sa mga itinuturing na batikang aktres.
Sa Instagram, ipinost ni Maricel ang mga larawan niya kasama ang namayapang ama-amahan na si James. Kalakip nito ang kanyang madamdaming mensahe para sa veteran beauty expert.
Aniya, "Thank you for the many years of love and friendship, and treating me like your own daughter. You have been a big part of who I am today and I am forever grateful.
"I love you my Mother Goose...Till we meet again."
Ayon sa isang report, naghahanda lamang daw si James at kanyang mga kasama para sa Santacruzan sa San Pablo, Laguna, nang bigla na lamang daw itong tumumba. Ilang beses din itong sinubukan i-revive sa isang hospital sa nasabing lugar ngunit hindi na ito umabot.
Nagbigay din ng pakikiramay at mensahe ilan pa sa mga kilalang personalidad gaya nina Sol Aragones, Marina Benipayo at kapatid ni Maricel na si Mel Martinez.
Ayon kay Mel, nagpapasalamat siya sa lahat ng pagmamahal na ibinigay sa kanya ng namayapang celebrity make-up artist.
Aniya, "Tito James, I will miss you. Thank you for the friendship and love, you have made a great name, you are an icon and I'm very proud of you. I love you, till we meet again. Eternal rest grant unto your soul."
Si James ay isa rin sa itinuturing na pioneers ng make-up industry sa bansa kasama ang namayapa na rin na celebrity make-up artist na si Fanny Serrano.
Samantala, balikan naman ang mga ala-ala ng ilan sa mga veteran showbiz personalities na namayapa na sa gallery na ito.