
Aminado ang aktres at dating modelo na si Mariz Ricketts na sobra siyang mahiyain noong nagsisimula pa lang siya. Kaya naman, nagtatakang tanong sa kaniya ni King of Talk Boy Abunda, paano kaya siya niligawan noon ng asawa na niya ngayon na si Ronnie Ricketts?
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, September 25, binalikan nina Mariz at ng best friend niyang si Jackie Lou Blanco ang panahon nila sa GMA Super Show ni Master Showman German Moreno noong 1978.
Kuwento ni Mariz, sobrang mahiyain niya noon kaya naman, naging malapit lang siya kina Jackie at Maricel Laxa. Sa sobrang pagiging mahiyain niya, hindi maiwasan ni Boy na magtanong kung papaano siya niligawan noon ng asawang si Ronnie.
Kuwento ni Jackie Lou, “Nagtiyaga, nagtiyaga. Lagi 'yung may dalang bulaklak, ganu'n. He really took his time.”
Ayon pa kay Mariz, nagdadala o kaya naman ay nagpapadala si Ronnie noon ng mga rosas sa kaniya tuwing Linggo. Bukod pa rito, ayon sa aktres, niligawan din umano ng tinaguriang action star ang pamilya niya.
“Tapos pati 'yung family ko, actually, 'yun 'yung una niyang niligawan. Magaling nga kasi talagang para maging comfortable ako, du'n muna siya,” sabi ni Mariz.
Saad naman ni Jackie Lou tungkol dito, “And I suppose he also knew how important your family was na kung approve 'yung family mo sa kaniya, then you'll be happier.”
TINGNAN ANG ILAN SA SWEETEST MOMENTS NINA MARIZ AT RONNIE SA GALLERY NA ITO:
Marami man ang umaaligid noon kay Ronnie, buo ang tiwala ni Mariz sa magiging relasyon nila dahil college pa lang ay kilala na niya ito.
“Kasi I met him, college pa lang ako, pero nagsa-start na siyang mag-movies. So 'pag nagde-date kami, there are times na dinadala ako sa set, tapos nasa car lang ako,” sabi ng aktres.
At kahit umano natakot siya noon dahil maraming umaaligid, puno naman ng assurances si Ronnie, dahilan para hindi siya mag-alala.
“Hindi ka niya pababayaan, lalo na ako, kasi parati kong sinasabi 'Kasi first boyfriend kita, tapos ikaw, marami kang girlfriends.' So hindi siya nagsawa na mag-explain sa akin. Matiyaga,” sabi ni Mariz.
Panoorin ang panayam kina Mariz at Jackie Lou dito: