
Umaapaw na pasasalamat at panawagan para sa kanyang adbokasiya ang naging mensahe ng Kapuso actor na si Martin del Rosario matapos gawaran ng parangal bilang “Best Performance by an Actor in a Leading Role.”
Ito ay para sa kaniyang mahusay na pagganap sa pelikulang Tayo Lang Ang Nakakaalam sa ginanap na 22nd Cinemalaya Awards Night noong Lunes, Agosto 17.
Matapos ianunsyo ang kaniyang pagkapanalo, agad na umakyat si Martin sa stage upang tanggapin ang parangal at magbigay ng mensahe.
Hindi nag-atubili ang Kapuso actor na ipahayag ang kaniyang kagalakan at pagkamangha sa pagkakamit ng Balanghai trophy mula sa Cinemalaya Independent Film Festival.
“Malaking-malaking bagay ito sa akin. Direk David, maraming salamat sa tiwala n'yo sa akin,” ani Martin.
Ayon sa aktor, ang kaniyang pelikulang kasali sa Cinemalaya ngayong taon ay isa sa mga proyektong hinding-hindi mawawala sa kaniyang isip at puso.
“Gaya nga ng sinabi ko kagabi sa inyo, 'yung Tayo Lang Ang Nakakaalam, isa sa mga 'di mawawala sa isip ko na pelikula and forever 'yan nasa puso ko, walang biro,” pahayag niya.
Ipinaabot din ni Martin ang pasasalamat sa kaniyang mga nakasama sa pagbuo ng pelikula, ang staff nito, at ang mga kapwa aktor: “Sa buong producing team, kasama ang magagaling na cast, Epy Quizon, Yayo Aguila, Miguel Odron; 'di ko na iisa-isahin, kilala n'yo na ang mga sarili n'yo. Maraming salamat!”
Ibinahagi rin niya ang kuwento sa likod ng proyekto at ang mga pagsubok na pinagdaraanan ng LGBTQIA+ community na siyang pangunahing tema ng pelikula.
“Ang aming pelikula po ay tungkol sa struggles ng queer relationships, ng LGBT. May mga bagay na pinipili nilang itago at huwag sabihin dahil sa takot na maja-judge ng ating lipunan,” kuwento ni Martin.
Tinapos ni Martin ang kaniyang acceptance speech sa isang panawagan na wakasan na ang diskriminasyon at stigma laban sa LGBTQIA+ community.
“Alam ko 'yung setting ng pelikula, 2012. Ngayon marami na ang nagbago, malayo na, pero malayo pa. Marami pa tayong p'wedeng gawin,” pahayag ng aktor.
Dagdag pa niya, “Let's end the stigma towards LGBT. End the stigma now! Thank you!”
Bago pa ang kaniyang tagumpay sa Cinemalaya 2026, nasungkit na rin niya ang “Best Actor” sa CineSilip Festival para sa Haplos sa Hangin, pati na ang kaniyang “Best Supporting Actor trophy mula sa Gawad Urian noong 2015 para sa pelikulang Dagitab.
Related Gallery: IN PHOTOS: Martin del Rosario proudly shows his Best Actor Award