
Ngayong nalalapit ang Mother's Day, inalala ni Matet de Leon ang kanyang yumaong ina, ang Superstar at Pambansang Alagad ng Sining na si Nora Aunor.
Sa kanyang panayam sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, May 7, ibinahagi ni Matet kung paano sila pinalaki ni Nora.
"Unang una po si Mommy, hindi naman po disciplinarian na namamalo, but she didn't have to hurt us na kailangan kaming paluin," kuwento niya.
Dagdag pa niya, "Maniwala kayo o sa hindi, 'yung mata niya po."
Inamin ni Matet na naranasan niya mismo ito dahil siya umano ang “pinakasutil” na anak ni Nora.
Gayunpaman, sinabi ni Matet na nagampanan nang mabuti ni Nora ang pagiging isang mapagmahal na ina sa kanilang magkakapatid.
Ibinahagi rin ng Apoy sa Dugo actress kung paano siya bilang isang ina ngayon, at kung paano naging inspirasyon si Nora sa kanyang parenting style.
"Ngayon po, I am a fun mom. I play with them. Sinasakyan ko 'yung trip nila, ng panganay, ng pangalawa, at tsaka nung bunso. Very childish," pahayag niya.
Gayunpaman, binibigyang-diin pa rin ni Matet na mahalaga ang respeto sa pagpapalaki niya sa kanyang mga anak.
Ang mga kapatid ni Matet sa kanyang magulang na sina Nora at Christopher de Leon ay sina Ian, Kenneth, at Kiko de Leon.
Pumanaw si Nora noong April 16, 2025.
RELATED GALLERY: Matet de Leon's private and public life