
Naging malaking isyu kamakailan lang ang tila alitan ng magkakapatid na sina Ian de Leon, at ang adopted siblings niyang sina Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth matapos ang unang anibersaryo ng pagpanaw ni Superstar Nora Aunor.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Thursday, May 7, nilinaw ni Matet ang tungkol sa isyu ng away diumano nilang adopted kids kay Ian bilang tunay na anak ni Nora.
“Actually, hindi ko pa masabing away, but misunderstanding, Tito Boy,” sabi ni Matet.
Sinagot din ng aktres ang sinabi ni Ian sa panayam sa kanya ni Rico Hizon kung saan sinabi niyang siya ang sole, legal heir ni Nora. Sabi ni Matet, totoo naman ito at wala namang pagdududa sa sinabi ng aktor.
“Totoo naman po, e. Wala naman pong pagdududa du'n. Kumbaga kahit nga hindi na niya sabihin, e. Understandable, alam na po ng lahat 'yan,” sabi ni Matet.
KILALANIN ANG MGA ANAK NI NORA AUNOR SA GALLERY NA ITO:
Matatandaang sa anibersaryo ng pagpanaw ni Nora ay nasa Libingan ng mga Bayani si Ian, ngunit wala sina Matet, Lotlot, at Kenneth, dahilan para magtaka ang fans, kabilang na si Boy.
Pero paglilinaw ni Matet, naroon naman si Kiko, ngunit na-late ng dating. Samantalang sila nina Lotlot at Kenneth, pinili nilang gunitain ang anibersaryo “kung saan medyo tahimik.”
“What happened last year, it was very, very painful for us, and sa mga nawalan, naiintindihan ninyo na babalik po lahat what happened nu'ng araw na 'yun. We were not ready at all to face the fans. We were not ready,” sabi ni Matet.
Pagbabahagi pa ng Apoy sa Dugo star, noong una ay wala naman silang natanggap ni Lotlot na personal na imbitasyon para pumunta sa Libingan ng mga Bayani, kaya hindi na sila tumuloy.
“But before, siguro a week or two before April 16, nagparating po ng message si Ian na baka puwedeng, 'Gusto n'yo? Gusto n'yo dito na lang?' Ang reason po namin is hindi po kami handang humarap sa mga tao,” sabi ni Matet.
Panoorin ang panayam kay Matet dito: