
Kasunod ng mga isyung naglalabasan ngayon tungkol sa kaniyang yumaong ama at Master Rapper na si Francis Magalona, o Francis M, ibinahagi ng aktres na si Maxene Magalona ang throwback video kasama ang ama sa kaniyang Instagram.
Sa nasabing video, makikita ang masayang bonding moment noon ni Maxene at Francis M sa isang sasakyan.
Dito ay masayang nakikinig si Maxene sa pagpi-freestyle rap ni Francis M habang nagmamaneho.
“Look at Maxene, she's breaking out into a smile,” pagkanta ni Francis M.
Dagdag pa niya, “She's trying to laugh, she's trying to get out of this, because she can't beat the one and only Francis!”
Makahulugan naman ang naging caption ni Maxene sa nasabing video.
“Rest in peace, Papa,” aniya.
Matatandaan na nag-viral kamakailan ang vlog ng memorabilia collector na si Boss Toyo, kung saan lumantad dito si Abegail Rait na nagpakilalang naging karelasyon umano noon ni Francis M.
BALIKAN ANG MGA LARAWAN NOON NI FRANCIS M. DITO:
Sa nasabing vlog, ibinenta ni Abegail kay Boss Toyo ang jersey ni Francis M na ibinigay umano sa kaniya ng yumaong OPM icon noon.
Bukod dito, isiniwalat din ni Abegail ang kuwento nila ni Francis M kasama ang kanila umanong naging anak na si Gaile Francesca.
Ilang araw matapos mag-viral ang nasabing vlog, nakapanayam ni Cata Tibayan si Gaile para sa 24 Oras.
Dito ay sinabi ng 15 taong gulang na dalaga na hindi siya apektado ng mga negatibong komento na ibinabato ng mga tao sa kanila ng kaniyang ina na si Abegail matapos nilang magpakilala sa publiko.
Aniya, “I don't mind the comments po kasi I know the story, and so no comment na lang po ako roon. Basta I know the story, that's why I'm not affected at all. And also my family.”
Dagdag pa niya, “All I know is that I am my father's daughter.”
Sa kabilang banda, may rebelasyon din ang dating aktor, at producer na si Robby Tarroza tungkol sa relasyon nina Francis M at kaniyang nabiyudang misis na si Pia Magalona.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Robby na hindi raw totoong kasal sina Francis M at Pia.
Sulat niya sa nasabing post, “Wala kasi tayong divorce sa Pilipinas! But even with kasal, ang tanong, was Kiko married to Pia?! No, she was married to another guy with last name Fernando and they had a son, Niccolo and daughter Unna, who many of us knew this! Pia huwag ka magpabiktima! grabe ka! No one broke up your marriage dear! You were never married in the Philippines!”
Paglalahad pa ni Robby, ikinuwento umano sa kaniya noon ni Francis M na iniwan niya na si Pia at nahanap na nito ang babaeng mahal niya.
Kuwento ni Robby, “Francis then told me he was done with Pia and left her. He told me he couldn't take it anymore. All the fights and bugbugan nila, 'yung ugali daw ni Pia nakakasira ng utak. He said he now has peace.”
“A few months later we met again and he mentioned he was with another woman who is totally the opposite sa ugali ni Pia. He stressed, 'Ang sarap pala ng ganitong 'real love' Robski,' yeah he called me Robski lol pang gangster ko 'yun,” ani Robby.
Hindi naman binanggit ni Robby kung ang babaeng sinabi ni Francis M ay si Abegail.
Sa ngayon ay wala pa ring inilalabas na reaksyon ang kinikilalang naiwang pamilya ni Francis M sa kabila ng pagiging mainit na usaping ito.
Para sa iba pang showbiz balita, bisitahin ang GMANetwork.com.