
Nakatanggap ng ilang parangal ang mga programa at personalidad ng GMA Network mula sa Golden Laurel: The Batangas Province Media Awards 2023.
Nakuha ni 24 Oras anchor Mel Tiangco ang Jose P. Laurel Lifetime Achievement Award na kumikilala ng kanyang mga natatanging kontribusyon sa larangan ng journalism.
Pinarangalan naman ang top-rating magazine show na Kapuso Mo, Jessica Soho bilang Best Infotainment Show habang Best Entertainment Show naman ang Family Feud.
Kinilala din bilang Best Drama Series ang hit historical portal fantasy series na Maria Clara at Ibarra. Hinirang naman si Barbie Forteza bilang Best Drama Actress matapos ang pagganap niya bilang Gen Z nursing student na si Klay sa Maria Clara at Ibarra.
Napili din si Atom Araullo bilang Male News Anchor of the Year.
Image Source: Lyceum of the Philippines University-Batangas (Facebook)
Nasa ika-anim na taon na ang Golden Laurel: The Batangas Province Media Awards at kinikilala nito ang media programs, platforms at mga personalidad na may mahuhusay na kontribusyon sa kanilang piniling sining.
Gaganapin ang gabi ng parangal ng Golden Laurel: The Batangas Province Media Awards 2023 sa July 20 sa Freedom Hall sa Lyceum of the Philippines University-Batangas Main Campus.