
Sa isang eksklusibong panayam sa programang Fast Talk with Boy Abunda, ikinuwento ng lead stars ng upcoming afternoon romance-drama series na You're My Favorite Song na sina Heath Jornales, Clifford, Marco Masa, at Caprice Cayetano ang takbo ng kanilang kuwento at ang kani-kanilang kapana-panabik na karakter.
Ayon sa lead actress na si Caprice, iikot ang kuwento ng serye sa kaniyang karakter na si Angel at sa pagtupad sa pangarap ng kaniyang Lolo Xavi na makapagtayo ng isang resort.
Kuwento pa ng Kapuso actress, ang misyong ito ang siyang maglalapit sa kaniya sa iba't iba pang mga tauhan sa serye.
“Ang You're My Favorite Song po ay tungkol po sa Lolo ni Angel, ako po, and may bucket list po si Lolo Xavi so 'yung bucket list po na 'yun ay makapag-build po ng resort,” kuwento ni Caprice.
“Isa po 'yun sa nasa bucket list. Doon ko po sila mami-meet at makakasama po sa process ng pag-check po ng bucket list,” dagdag pa niya.
Inilarawan niya si Angel bilang isang matalino, palakaibigan, at puno ng pangarap. May pagkakatulad din daw ang karakter sa kaniyang totoong buhay, partikular sa pagiging family-oriented.
“Si Angel po ay astig, hindi po talaga siya nagpapa-away, pero napakabait din po, napaka-friendly, intelligent, at talagang chine-chase niya po 'yung dreams niya,” ani ng aktres.
“Kami ni Angel, marami rin po kaming similarities lalo a po pagdating po sa friendship, kung gaano po siya ka-family oriented, at kung gaano rin po niya kagusto i-pursue 'yung mga dreams po talaga niya,” dagdag pa ni Caprice.
Matapos naman tanungin sa kung ano nga ba ang reaksyon niya nang malaman na ipapares siya sa tatlong kapwa young stars na sina Heath, Clifford, at Marco; inamin ni Caprice na labis siyang natuwa na makakasama niya sa unang pagkakataon ang tatlo sa isang serye.
Itinuturing din daw niya itong isang “blessing” na makatrabaho ang kaniyang mga kaibigan matapos ang kanilang stint sa PBB Celebrity Collab Edition 2.0.
“Nako, sobrang nakakatuwa po na makakasama ko po dito sa work, the first lead din po namin lahat para sa You;re My Favorite Song na 'to ay blessed po ako na makasama po 'yung mga friends ko at mga naka-bond ko na rin po dahil sa Bahay ni Kuya,” ani Caprice.
Pabiro namang tinanong ni Tito Boy kung mahuhulog ba ang karakter ni Caprice sa tatlong lalaki sa serye.
“Nako, tingnan po natin sa June 22,” tugon ni Caprice.
Ibinahagi naman ni Heath Jornales kung sino si Miguel, isang karakter na may mas malalim at seryosong pinagdadaanan sa likod ng kaniyang kasikatan.
“Si Miguel po, isa po siyang bata na bigla pong sumikat and parang he never really had -- he's a musician, in a band,” sabi ni Heath.
“Sumikat 'yung band nila and he never really got to experience a normal, regular childhood, and his father is really controlling of his work and he's really strict po kaya he never got a normal childhood po and he doesn't have much freedom po,” aniya.
Pagbabahagi rin ng Kapuso young heartthrob na nagkakatulad sila ng kaniyang karakter na si Miguel sa kanilang pagmamahal sa musika at at passion pagdating sa pagtatanghal sa stage.
“I guess ang similarities namin ni Miguel is we are both musically inclined po and we love music so much, and our passion for music talaga, sobra and we love performing,” sabi ni Heath.
Binigyan rin ni Heath ng kaunting pasilip ang mga manonood sa kung ano nga ba ang bahagi ni Miguel sa buhay ni Angel sa serye.
“I guess 'yung relationship po namin, ni Miguel and Angel, very comforting relationship po sila since hindi po nakita ni Angel si Miguel. She gets to talk to him about po her problems, her secrets much and she just feels comforted by Miguel,” ani ng aktor.
Sumunod naman na nagbahagi ang Sparkle actor na si Clifford at inilarawan ang kaniyang gagampanang karakter na si Calix.
“Calix is a bad boy, superior, and parang siyang 'yung hari ng school. He's also the smartest up until dumating si Angel, which ended up becoming his academic rival,” kuwento ni Clifford.
Aminado rin ang aktor na naging challenging para sa kaniya ang role sa serye dahil iba ito sa nakasanayang roles sa mga nagdaang proyekto niya sa telebisyon.
“It's pretty difficult po, Tito Boy, kasi sa past roles ko, I've always been portraying someone who is soft, mabait, medyo may pagka-nerdy po, Tito Boy, pero to be given this role, its such a dream come true din at the same time Tito Boy. Parang isa 'to sa mga roles na I really wanted to do ever since,” ani pa niya.
Nagbahagi rin ang Kapuso actor na si Marco Masa tungkol sa karakter niyang si Zion.
“Well for Zion naman po, he's an average student, siguro the type to get bullied by Calix. And siguro si Zion, medyo mahiyain siya, may pagka-awkward, and 'yun 'yung isa sa mga weakness niya na kailangan niyang i-overcome,” pahayag ni Marco.
Dahil matagal na sa industriya, tinanong din si Marco ukol sa kaniyang paghahanda sa bawat proyektong ipinagkakatiwala sa kaniya.
“Actually, before, binabasa ko talaga 'yung script. Pero siguro I like the element of being surprised so as much as I can, binabasa ko 'yung script, pero mas gusto ko sa set ko na talaga siya magsi-sink in sa 'kin. So sa set na talaga mas ma-o-open kung papaano ko talaga makikita at ma-e-embody 'yung character,” sagot niya.
Huwag palampasin ang You're My Favorite Song kung saan tampok sina Heath Jornales, Clifford, Marco Masa, at Caprice Cayetano.
Kasama rin sa powerhouse cast na sina Waynona Collings, Lee Victor, Kairo Lazarte, Andrei Fajardo, Boboy Garrovillo, James Blanco, Katya Santos, at Wilma Doesnt. Sa direksyon ng premyadong direktor na si JP Habac.
Abangan ang You're My Favorite Song simula ngayong June 22, 4:00 ng hapon sa GMA Afternoon Prime!
Related Gallery: Cast ng You're My Favorite Song, kilalanin!