
Hinandugan ang mga bida ng You're My Favorite Song na sina Heath Jornales, Clifford, Marco Masa, at Caprice Cayetano ng isang surprise treat ng kani-kanilang mga fan group. Ginanap ito nitong Miyerkules, June 17, kasabay ng media day para sa kanilang upcoming GMA Afternoon Prime series.
Bukod sa apat na bida, dumalo rin sa media day ang kanilang mga kapwa young stars at mga dating PBB Celebrity Collab Edition 2.0 housemates na bahagi rin ng cast ng naturang serye.
Sa nasabing event, ipinaramdam ng mga tagasuporta ang kanilang pagmamahal at pananabik sa nalalapit na telecast ng kauna-unahang proyekto kung saan magkakasama ang kanilang mga idolo.
Nag-set up pa ang mga fans ng iba't ibang booth na may mga libreng souvenir, sweet treats, snacks, at coffee para sa mga kapwa fan at para sa buong cast ng serye.
Sa isang panayam sa "Chika Minute" report sa 24 Oras, ipinahayag naman ng mga bida ng serye ang kanilang excitement lalo na't malapit nang mapanood ng kanilang mga tagahanga ang pinaghahandaang series sa hapon.
Ayon kina Caprice at Marco, layon nilang matuto hindi lamang ang mga katulad nilang kabataan, pati na rin ang mga nakatatanda lalo na ang mga magulang sa mga aral na handog ng kanilang serye.
“Excited po kaming maka-relate po lahat; hindi lang po mga Gen Z, kun'di 'yung mga parents din po, kasi dito po may matatandaan at may matutuhan din po sila from us Gen Zs,” pahayag ni Caprice.
“As much as possible we want to be a reflection of our generation and to be a good example sa mga kagaya po namin, not just sa generation namin, pati na rin sa mga susunod pa. Kumbaga, gusto po namin mag-iwan ng marka; gusto po namin na tumatak po kami sa mga tao,” ani Marco.
Ibinahagi rin nina Heath at Clifford ang kasiyahan nila sa paggawa ng serye kasama ang kanilang mga kaibigan kung saan ibinahagi rin nila ang bonding moments nilang lahat sa set sa tuwing hindi naka-roll ang camera.
“The nicest thing about taping with my friends po is na kahit sobrang tagal pong nasa set or like relax-relax lang po kami sa set, nagja-jamming po kami and nagsi-singing po kami. It's really a great time overall; tapos nagtatawanan po, pero kapag time na ng shoot, magla-lock-in na po kaming lahat tapos after tawanan po ulit,” kuwento ni Heath.
“Last taping nag-baskteball kaming mga boys, so 'yun 'yung naging bonding namin. Pero na-make sure naman namin na wala kaming eksena afterwards,” ani Clifford.
“Ang favorite bonding namin ni Caprice ay food trip. Mahilig kami mag-order ng food,” dagdag pa niya.
Huwag palampasin ang You're My Favorite Song kung saan tampok sina Heath Jornales, Clifford, Marco Masa, at Caprice Cayetano.
Kasama rin sa powerhouse cast na sina Waynona Collings, Lee Victor, Kairo Lazarte, Andrei Fajardo, Boboy Garrovillo, James Blanco, Katya Santos, at Wilma Doesnt. Sa direksyon ng premyadong direktor na si JP Habac.
Abangan ang You're My Favorite Song simula ngayong June 22, 4:00 ng hapon sa GMA Afternoon Prime!
Related Gallery: 'You're My Favorite Song' cast turn heads at media day