
Dahil sa nalalapit na 2025 mid-year elections, mainit na usapin pa rin ang pagtakbo ng celebrities sa pulitika. Para kina Forever Young stars Michael de Mesa at Rafael Rosell, dapat ay bigyan pa rin ng pagkakataon ng mga tao ang ilang celebrities na meron namang kakayanan maging pulitiko.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, December 13, binalikan ni King of Talk Boy Abunda ang opinyon ng ilang mga tao tungkol sa pagtakbo ng celebrities sa pulitika.
Tanong ni Boy sa kanila, “Ang mga artista na pumapasok sa pulitika ay dapat hindi iboto, ay hindi qualified, ay walang alam. Your take?”
Ang sagot ni Michael, “'Yun nga e, nagkakaroon ng discrimination, although meron naman talagang marunong. I mean hindi ko naman lalahatin. Meron naman talagang masasabi kong qualified na gustong makatulong, gustong mag-serve sa bayan at meron ding hindi.”
Ngunit aniya, kung talagang gustong tumulong ng isang tao at magsilbi sa bayan ay hindi naman kailangan magkaroon ng posisyon sa pulitika. Pero paglilinaw ng aktor, may ilang celebrities pa rin na deserve ang maging pulitiko.
Para naman kay Rafael Rosell, may ilan na masasabi niyang natural-born leaders at kung tama ang intention, motivation, at education nila ay pwede silang tumakbo sa pulitika.
Ngunit babala niya, “Pero kung mali 'yung intention mo, sana gawin mo talaga para sa bayan e, kabutihan para sa karamihan.”
TINGNAN ANG CELEBRITIES NA NAGPASA NA NG KANILANG COCS PARA SA 2025 MID-YEAR ELECTIONS SA GALLERY NA ITO:
Aminado naman si Michael na maraming tao ang naniniwalang ang mga artista ay para sa showbiz lang at sinabing nasasaktan siya tuwing sinasabi ang salitang “lang” kakabit ng “artista.”
“'Artista lang.' Pare-pareho tayong Pilipino, pare-pareho tayong nagbabayad ng buwis, pare-pareho tayong nagtatrabaho nang marangal so bakit hindi natin bigyan ng pagkakataon ang isang 'artista lang' na gustong manilbihan sa bayan?” sabi ng aktor.
Matatandaan na noong October ay nagsumite na ang mga kandidato sa 2025 mid-year elections ng kanilang certificate of candidacy. Ilan sa mga tatakbo ay celebrities, showbiz personalities, at maging content creators.
Panoorin ang segment ng Fast Talk with Boy Abunda na ito: