
“Icon na siya e, haligi siya ng television.”
Sa ganyang paraan inilarawan ng comedy genius na si Michael V. ang batikang news anchor na si Mike Enriquez. Bukod pa rito, ibinahagi rin ni Bitoy ang comedic side ng batikang news anchor.
Sa interview ni Michael V. sa GTV news show na Balita Ko, ibinahagi niya ang ilan sa mga hindi niya malilimutang kuwento tungkol sa yumaong news anchor at isa na rito ay ang pagiging komedyante rin nito. Pag-amin ni Bitoy, hindi niya raw ito inaasahan mula sa batikang brodkaster.
“All the while, akala ko, napakaseryosong tao ni Sir Mike and when I first met him sa network mismo, sa GMA, napaka-unreal e, kasi iba 'yung persona ng nakikita mo sa TV, tapos iba 'yung pag kayo [lang], parang matagal na kayong magkaibigan,” kuwento nito.
Dagdag pa ng Bubble Gang star, “Napaka-warm ng pagtanggap niya sa akin and natuwa ako nung isang anniversary din namin, siya 'yung nag-host nung isang segment.”
TINGNAN ANG MGA PERSONALIDAD NA NAGBIGAY-PUGAY SA BUROL NI MIKE ENRIQUEZ SA GALLERY NA ITO:
Kilala rin si Michael V bilang isang magaling na impersonator at isa sa mga paborito niyang ginagaya ay si Mike, bilang Michael Ricketts. Ayon kay Bitoy, nag-umpisa ang paggaya niya sa batikang news anchor nang gayahin nila sa Bubble Gang ang 24 Oras.
“We came up with a segment called 4 Oras, dahil natutulog din ang balita. 'Pag tinitingnan namin sina Tita Mel dati, sina Sir Mike, parang talagang walang tulog e. So ang version naman namin, may pahinga rin kami kahit papano,” pag-alala niya.
Bukod pa rito ay may isa pa siyang segment na ginagawa, ang Estimador na parody naman ng show rin ni Mike na Imbestigador.
Nang tanungin ang comedy genius kung ano ang sa tingin niyang pinaka-unique o special kay Mike, ang sagot nito, “'Yung boses niya talaga tsaka 'yung the way he delivers the news.”
“Tapos 'yung very iconic na ubo niya tsaka 'yung pag-excuse me po niya sa audience natin. Dun, na-inspire kami at matinding inspiration 'yun kaya we came up with a sketch. Meron pa kaming ginawang anniversary special na parang I don't think na-ere siya ever sa TV,” sabi ni Bitoy.
Ayon sa actor at comedian, hindi ito umere sa TV kahit kailan at lumabas lang ito sa DVD, ngunit maaaring umere ito sa upcoming episode ng kanilang comedy show sa Sunday.
“Ngayon atang Sunday, ngayong Sunday ipapalabas namin 'yung sketch na 'yun kasama si Sir Mike tsaka si Mang Enriquez,” sabi ni Bitoy.
Panoorin ang buong interview ni Michael V dito: