
Agad na tinapos ng ace comedian na si Michael V. ang mga tsismis at spekulasyon na matatapos na ang pinagbibidahan niyang multi-awarded sitcom na Pepito Manaloto.
Naglabasan ang komento tungkol sa pagtatapos ng comedy show nang makita ng netizens ang group hug photo ng cast na ipinost ni Sparkle comedian John Feir noong April 15 sa Instagram.
Sa exclusive interview ni Direk Bitoy sa 24 Oras, pinabulaanan niya na matatapos na ang kuwento ng pamilya Manaloto.
Paglilinaw niya sa 'Chika Minute,' “'Yung group hug na 'yun, actually 'yung photo na yun ang nire-represent nun is 'yung group hug namin, parang remembrance. Appreciation, natuwa lang kami na after all these years, after nung pandemic, magkakasama pa rin kami.”
Sa kaparehong ulat, tila naging emosyonal naman ang co-star ni Michael na si Manilyn Reynes nang alalahanin ang nakalipas na 14 years ng kanilang award-winning program.
Ayon kay Manilyn, nakakataba ng puso na tumagal sa ere ang Pepito Manaloto.
“Naiyak kami kasi hindi po namin maisip na hanggang ngayon, sa tinagal-tagal ng Pepito [Manaloto], 14 years na kami, talagang nandiyan sila simula't simula. Nakakataba ng puso.”
Samantala, kahapon ipinagdiwang nina Michael at kanyang asawang si Carol Bunagan ang kanilang 30th civil wedding anniversary.
RELATED CONTENT: FUN FACTS ABOUT MICHAEL V.