GMA Logo Miguel Tanfelix
PHOTO COURTESY: Fast Talk with Boy Abunda, bianxa (IG)
What's on TV

Miguel Tanfelix, inaming naging girlfriend noon si Bianca Umali

By Dianne Mariano
Published February 9, 2023 7:36 PM PHT

Around GMA

Around GMA

PNP to deploy over 70,000 cops for Simbang Gabi 2025
Kim Won-shik brings star power to Jolly Clean Holiday Pop-Up
Duterte calls plunder, graft raps a 'fishing expedition'

Article Inside Page


Showbiz News

Miguel Tanfelix


Ano kaya ang naging dahilan ng hiwalayan nina Kapuso actor Miguel Tanfelix at Bianca Umali?

Isang rebelasyon ang inilahad ni Sparkle artist Miguel Tanfelix sa latest episode ng Fast Talk with Boy Abunda ngayong Huwebes (February 9).

Inamin ng Voltes V: Legacy star sa “The Talk” segment ng naturang programa na naging nobya niya noon ang kapwa Sparkle artist na si Bianca Umali.

Bago pa man ito, naglabas ang batikang talk show host na si Boy Abunda ng isang photo album na naglalaman ng mga larawan ng iba't ibang Kapuso actresses at tinanong ang proseso ng kanyang panliligaw.

Ayon kay Miguel, makaluma ang kanyang istilo pagdating sa panliligaw. Aniya, "In a sense na ayaw kong minamadali 'yung mga bagay-bagay."

Isa sa mga litrato sa loob ng photo album ni Tito Boy ay si Bianca. Nang ipakita ng TV host ang larawan ng aktres kay Miguel, ikinuwento niya na noong 18th birthday ni Bianca ay humingi ng pahintulot ang aktor sa lola ng aktres kung puwede niyang ligawan ang apo nito.

Pag-alala ng seasoned TV host, “A couple of weeks or months later, parang sinabi mo in an interview na hindi natuloy ang iyong panliligaw kay Bianca and there was a cryptic post ni Bianca.”

Diretsong tanong ni Tito Boy kay Miguel, “Naging kayo ba ni Bianca?”

“Yes, Tito [Boy]. Naging kami po ni Bianca,” pag-amin ng aktor. Inamin din ni Miguel na hindi naging maganda ang hiwalayan nila noon ng aktres.

Matatandaan na nakatrabaho ni Miguel si Bianca sa drama series na Kambal, Karibal, kung saan nakasama rin nila si Sparkle actress Kyline Alcantara. Tinanong naman ni Tito Boy kay Miguel kung mayroon bang kinalaman si Kyline sa paghihiwalay nila ni Bianca.

“Siguro Tito Boy 'yung dahilan ng paghihiwalayan namin, 'wag na tayong mangdamay ng ibang tao. Parang respeto natin 'yung ibang tao,” paliwanag ng Kapuso actor.

Sa kabila ng kanilang hiwalayan, nananatili naman daw na magkaibigan sina Miguel at Bianca. Sa kasalukuyan, apat na taong nang magkarelasyon sina Bianca at Kapuso actor Ruru Madrid.

Samantala, ipinakita rin sa photo album ang larawan ni Voltes V: Legacy star na si Ysabel Ortega at tinanong ng King of Talk si Miguel kung sila na ba ng aktres.

"Kailangan po kasi natin sundan 'yung nanay ni Ysabel. Medyo strict po si Tita and respeto po sa desisyon niya para sa anak niya dahil kahit papaano kailangan niyo rin po ligawan 'yung magulang ng nililigawan niyo. So hindi pa po. Nililigawan ko po silang dalawa,” sagot ni Miguel.

Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:50 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.

SAMANTALA, ALAMIN ANG ICONIC ROLES NI MIGUEL TANFELIX SA GALLERY NA ITO.