
Confident na inamin ng Kapuso heartthrob na si Miguel Tanfelix sa Fast Talk with Boy Abunda na nagkaroon sila ng relasyon ng kapwa Kapuso star na si Barbie Forteza.
Sa panayam ng tinaguriang King of Talk na si Boy Abunda kay Miguel, ibang pamamaraan ang ginamit niya upang makapagkuwento ang binatang aktor. Ito ay sa pamamagitan ng paglalabas ng mga larawan ng celebrity na may kaugnayan kay Miguel, una rito ang larawan ni Barbie.
“Niligawan mo ba si Barbie,” diretsahang tanong ni Boy kay Miguel.
Agad naman na sumagot ang aktor ng, “Yes. Pino-post ko po siya dati.”
Hindi naman nakuntento si Boy sa sagot ni Miguel at sumundot pa ito ng tanong, “Pero sinagot ka ba? Naging kayo ba?”
Dito na umamin at pahapyaw na nagkuwento si Miguel sa kung paano ang naging takbo ng relasyon nila ni Barbie noon.
Kuwento ni Miguel, “Naging kami po. Naalala ko po kapag bumibisita po ako sa set nila, pino-post ko po 'yun tapos 'yung caption ko, 'Bumisita ako.' gano'n.”
Ayon pa kay Miguel, dumadalaw lamang siya noon sa taping ng programa ni Barbie upang makita ang aktres.
Aniya, “Kasi hindi po kami magkasama ng show dati, e. I was doing Niño back then tapos iba po 'yung show niya. Kapag may taping po siya, pinupuntahan ko.
“Kapag malapit po 'yung set nila sa Cavite, kasi taga-Cavite po ako, pinupuntahan ko, nagdadala po ako [ng pagkain],” dagdag pa ng aktor.
Hindi naman idinetalye pa ni Miguel kung gaano katagal at kung paano nagtapos ang relasyon nila ni Barbie.
Samantala, mapapanood naman si Miguel bilang si Steve Armstrong sa live-action adaptation ng GMA ng anime series na Voltes V: Legacy, malapit na sa GMA Telebabad.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:50 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SILIPIN ANG HOTTEST PHOTOS NI MIGUEL TANFELIX SA GALLERY NA ITO: