
Ihahatid ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition Season 1 Big Winner na si Mika Salamanca ang isang hindi malilimutang karanasan para sa kanyang mga fans sa kanyang upcoming solo show.
Puno ng pasabog at world-class performances, handa nang ipakita ni Mika ang kanyang husay sa entablado sa show na pinamagatang Mahika.
Ibinahagi ng Star Music Philippines sa kanilang Instagram ang kapanapanabik na balitang ito, na tiyak na aabangan ng kanyang mga tagasuporta. Gaganapin ang naturang show sa darating na May 30 sa SM North EDSA Skydome.
“Sino nga ba siya? She is... MAGIC,” saad ng naturang recording company sa kanilang caption, na agad na nagpakulo sa excitement ng mga tagasuporta ni Mika Salamanca para sa kanyang inaabangang solo show.
“Witness magical stories unfold through performances from Mika Salamanca this coming May,” dagdag pa nila.
Bumuhos ang suporta at excitement mula sa mga tagahanga ni Mika, na hindi na makapaghintay na masaksihan ang kanyang “magical” performance sa entablado.
“Our multitalented mika!” sulat ng isang fan sa comments section.
“Proud of you Mahika. See you Miksersssss,” komento ng isa.
“Our girlypop is ready,” ani ng isang netizen.
“Our mahika letsss go,” sabi pa ng isang fan.
Matapos tanghaling Big Winner ng Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition Season 1, pinatunayan ni Mika ang kanyang galing sa musika sa pamamagitan ng paglabas ng kanyang sariling rendisyon ng iconic hit ni Sarah Geronimo na Sino Nga Ba Siya noong Agosto 2025.
Nag-release din siya ng kanyang mga orihinal na awitin, kabilang ang What If Tayo? at Kasalanan.
Panoorin si Mika Salamanca sa The Secrets of Hotel 88 sa GMA Prime. Makakasama niya rito ang kanyang mga kapwa PBB housemates na sina Brent Manalo, Will Ashley, Xyriel Manabat, Esnyr, AZ Martinez, Ralph De Leon, River Joseph, Klarisse De Guzman, Josh Ford, Kira Balinger, Dustin Yu, at Bianca De Vera.
Mapapanood ang The Secrets of Hotel 88 mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 9:35 PM, at may replay sa GTV sa ganap na 11:25 PM.
Related Gallery: Meet PBB Celebrity Collab housemate Mika Salamanca