
Mapapanood ang Kapuso star na si Mika Salamanca sa upcoming Kapuso serye na Delivery Boi, na pagbibidahan ng Sparkle actor na si Will Ashley.
Sa “Chika Minute” report ni Nelson Canlas para sa 24 Oras, ibinahagi ni Will na madali para sa kanya ang makasama si Mika sa serye dahil aniya'y komportable sila sa isa't isa at nagkatrabaho na.
“Sobrang random kasi ni Mika as a person, e. Kumbaga sa personality, hindi lang siya isa, napakarami niyang personality. Kaya feeling ko mas magiging madali ito kasi nga isa na 'yung kompartable na kami sa isa't isa, nagkatrabaho na kami, nagkasama kami sa loob ng Bahay [ni Kuya]. So magiging madali siya for me,” pagbabahagi niya.
Humanga naman si Mika kay Will dahil sa husay nito sa pag-arte at pagiging propesyonal.
Aniya, “He's very professional. Nakikita ko talaga sa kanya 'yung lagpas sampung taon niya sa pagtatrabaho, sa pagiging artista kasi sobra niyang professional at sobrang galing po niya katrabaho.”
Bukod dito, tila masusubok daw ang acting abilities nina Will at Mika dahil bihira mag-comedy project ang una habang ang huli naman ay ibang klase ng roles ang comfort zones noon.
"Ang tawag nila dito, tawaserye. Kaya super light lang talaga itong series na ito. Malayo siya sa mga nagawa ko before na puro iyakan, puro confrontation," ani Will.
Kwento naman ni Mika, "Sa mga past [roles] ko po, very umiiyak sila lagi, very sad 'yung mga character, may pinaglalaban. Here may pinaglalaban pa rin po ako pero it's for other people. It's for mga nagde-deliver na mga tao. And very masayahin ako rito, sobra."
Mapapanood din sa Delivery Boi ang mga bihasa at premyadong aktor na sina Eric Quizon, Keempee De Leon, Meryll Soriano, Maricar de Mesa.
Ang powerhouse cast ay kumpletuhin nina Yasser Marta, Vince Maristela, Mikoy Morales, Angellie Sanoy, Juharra Asayo, Baninay Bautista.
Related gallery: Will Ashley's career wins after his 'Pinoy Big Brother' journey