
Inamin ni Mikee Quintos sa Fast Talk with Boy Abunda na nagkagusto siya noon sa aktor na si Alden Richards.
Sa “Talk or Dare” segment ng nasabing programa, matapang na sinagot ni Mikee ang katanungan ng batikang TV host na si Boy Abunda tungkol sa isang artista na umasa siyang magiging karelasyon niya.
“Mikee, umasa ka ba na magkakaroon ka ng relasyon sa isang co-star, sa isang artista? Talk or Dare,” tanong ni Boy kay Mikee.
Pinili naman ni Mikee ang mag-talk. Aniya, “'Wag ninyo akong tine-test matapang ako… Si Richard po. Si Alden.”
Matatandaan na nagkasama noon sina Mikee at Alden sa 2019 Kapuso series na The Gift kung saan kasama rin nila noon ang aktor at bestfriend ng aktres na si Mikoy Morales.
Kuwento ni Mikee kung bakit siya nagkagusto kay Alden, “Buong show, imagine n'yo po magkaka-tent kami. Kaming tatlo [kasama si Mikoy Morales] and nakilala ko 'yung pagkatao niya na sweet siya, na mabait siya, kung gaano ka-genuine, sobrang God-fearing.”
KILALANIN ANG MGA NAGING LEADING LADY NI ALDEN RICHARDS:
Ayon kay Mikee, sinubukan niyang maging totoo sa kaniyang nararamdaman kung kaya't ipinagtapat niya ito kay Alden pero hindi ito nasuklian ng aktor.
Aniya, “I just had to try to express whatever I was feeling, I couldn't explain it. So, I did express but it wasn't reciprocated.”
Sa kabila nito, nanatili naman umanong magkaibigan sina Mikee at Alden.
“Yes, we talked about it, okay naman. We're good friends pa rin,” anang aktres.
“Thank you for your honesty and bravery,” mensahe naman ni Boy kay Mikee.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.