
Marami ang nabigla nang pumutok ang balitang nagsampa ng reklamong syndicated estafa ang Kapuso star na si Mikee Quintos at pitong iba pa laban sa isang crypto group. Ito ay matapos tangayin ng naturang grupo ang halos PhP8 million mula sa kanila.
Kaugnay nito, nagbigay ng munting paalala ang aktres tungkol sa pagtitiwala.
Sa Updated with Nelson Canlas podcast, ikinuwento ni Mikee na matagal na silang nakapag-invest sa grupo. Ayon sa aktres, nakapag-pull out pa sila ng ilang bahagi ng kanilang investment noong pumunta sila ni Paul Salas sa Europe noong 2022.
“So for our, yung deal namin na yun was like monthly compounding 5% yung kikitain doon sa kung magkano yung amount na in-invest mo,” sabi niya.
Dagdag pa ng aktres, “Tapos na-pull out ko mabilis, dumating sa akin yung money, okay. So, it was a good deal. Parang yun nga, if you count it all yung good experience with the company was around three to four years.”
Sinabi rin ni Mikee na nakapag-invest pa sila ng medyo malaki bago naging missing-in-action ang kumpanya at hindi na nagre-reply.
Ayon pa sa aktres, ilang buwan matapos biglang naglaho ng grupo ay nalaman nilang edited lang at hindi naman totoo ang projections ng crypto sa ipinapadala sa kanila.
Aminado rin si Mikee na na-engganyo sila sa mga projection na ipinakita sa kanila dahil naalagaan ng grupo ang relationship nila sa kanilang investors ng ilang taon.
“Kung kailan buo na trust mo kaya nagbigay ka ng bigger amount, doon niya pala itatakbo, yun pala tactic niya. Mag-aalaga siya ng mga bago ng ilang taon tapos hay yun pinaka huli,” sabi niya.
Sinabi rin ni Mikee na mga Pilipino ang gumawa nito at ang nakakagulat para sa aktres, 22-23 year-old lang ang bumiktima sa kanila.
BALIKAN NAMAN ANG KUWENTO NI ROCCO NACINO NA NA-SCAM SA PAG-IBIG SA GALLERY NA ITO:
Sa kabila ng kanyang naranasan, isang bagay lang naisip ni Mikee, “'Nung lumabas yung news, ang paulit-ulit kong naririnig, mas maganda na ikaw yung naagrabiyado kaysa ikaw yung nang-agrabiyado.”
Aminado rin si Mikee na 'pag nilabas nila kung ano ang nangyari sa kanila ay marami ang kukutsa. Ngunit sa huli, nanaig pa rin umano ang desisyon nila na magsalita para wala nang maloko ang mga ito.
“Sana, sana naman nakakapag-reflect na sila. And on-going naman 'yung mga kaso namin. Let's see how it goes,” aniya.
Sa ngayon ay hoping pa rin sina Mikee at kapwa niya investors na mabawi ang inilabas nilang halaga pang invest. Ayon pa sa aktres ay papunta na ngayon ang kaso sa korte at doon umano malalaman “kung ano magiging ending.”
Sa huli, nag-iwan ng ilang paalala si Mikee at isa na dito ay “to let go of things you can't control anymore.”
“It's pretty useless to hold on to emotions na wala ka namang control na doon, e,” sabi niya.
Tungkol naman sa pagtitiwala, ang masasabi ni Mikee, “Siguro yung... kahit may trust na na-build, kahit may tiwala ka na sa tao, think twice pa rin.”
“Just to double check you know, and to take care of yourself,” sabi niya.
Sabi ni Mikee, isa sa mga pinagsisisihan niya ay na hindi niya pinag-pray ang desisyon na ginawa niya.
“Pray muna before any big decision. Para makakuha ka ng sign from God kung tama ba yung ginagawa mo or not. Iyon yung biggest lesson ko,” aniya.
Paglilinaw ni Mikee, mali rin naman na sisihin ang lahat ng nangyari sa sarili.
Pakinggan ang buong interview ni Mikee dito: