
Malayo na ang narating ng social media star, vlogger, at endorser na si Mimiyuuuh, na lumaki sa lansangan ng Baclaran at tumulong noon sa kanyang mga magulang sa pagtitinda ng RTW.
Sumalang ang internet personality sa I-Listen podcast na hino-host ni Kara David, kung saan binalikan niya ang kanyang simpleng buhay bago siya nakilala.
“Noong naghihirap kami, siyempre nagtatanong ako kung bakit nangyayari ito sa amin.
“Bakit sa lahat ng tao, sa amin pa nangyari?” kuwento ni Mimiyuuuh sa I-Listen.
“And thinking about it, grateful ako na na-experience ko siya, Miss Kara, kasi mas pinahalagahan ko 'yung mga bagay na meron ako ngayon.”
Sumunod na sinabi ni Kara, “Nabasa ko rin naman 'yung life story mo na hindi kayo masyadong well-off.”
Aminado si Mimiyuuuh na lumaki siya sa hirap. Usisa muli ng award-winning documentarist sa kanyang guest, “As in, gaano?”
Pagbabalik-tanaw ni Mimiyuuuh, “Let's say po na may week kami na puro noodles po 'yung kinakain namin. Tapos, sobrang favorite ko po 'yung noodles. Feeling ko, 'Oh my gosh! Ang sarap!'
“Hindi ko pala alam na wala pala kaming pambili ng ulam talaga.
“In fairness, sa parents ko, hindi nila talaga pinaramdam sa amin na medyo nahihirapan kami sa buhay.”
Naibahagi rin ni Mimiyuuuh sa I-Listen ang kanyang naging hugot noon habang nagtitinda siya sa Baclaran kahit Pasko.
“Nagtitinda po ako. Meron po kaming pang-umaga at pang-gabi. Ang shift ko po noon ay panggabi, kaya kasama ko pong nagtitinda ang tatay ko.
“'Di ba po, kapag Pasko, kapag Simbang Gabi, naiinggit ka sa mga tao na, 'Ay! Bakit ako nagtitinda, samantalang sila nagsisimba lang?'”
May isa rin siyang nasabi noon na hanggang ngayon ay pinagsisisihan niya.
Pag-amin ni Mimiyuuuh kay Kara David, “Tsaka, may frustration din ako, Miss Kara, na parang medyo ino-overthink ko siya hanggang ngayon.
“Kasi sinabi ko dati, bata pa ako noon, sa nanay ko, 'Pag laki ko, hindi ako magiging ganito!'
“Sinabi ko 'yun sa nanay ko kasi sobrang frustrated po talaga ako noon na bakit naghihirap kami.
“Pinagsisisihan ko po talaga 'yun kasi 'yung pagtitinda ng parents ko ang bumuhay sa aming magkakapatid at sa buong pamilya namin.”
RELATED CONTENT: TINGNAN: Mga naipundar ng sikat na vloggers at social media stars