
Mapapakinggan na ngayong August 16 sa lahat ng digital music platforms ang debut single ng Kapuso performer na si Mitzi Josh, ang "Could Get Used To You."
Tiyak na marami ang mai-in love sa dreamy at heartfelt na performance ni Mitzi sa first single niyang ito under GMA Playlist.
Ayon kay Mitzi, "matagal" niyang hinintay na mai-release na ang "Could Get Used To You." Hiling ng aktres na maramdaman ng lahat ang "genuine love" na nais niyang maiparating sa pamamagitan ng kanta.
"It's a love song. It's all about genuine love for another person," sabi ni Mitzi tungkol sa kanyang upcoming single. "'Yung naging inspiration ko rito, of course, my family and myself."
Ayon kay Mitzi, ini-record niya ang "Could Get Used To You" noon pang nakaraang taon, pero nag-request siya sa music label na muling i-record ang kanta.
"Nag-request ako kay Ms. Rocky [Gacho] na sana maire-record namin siya kasi parang mas na-grasp ko na 'yung meaning ng song. So feeling ko kaya ko na talaga siyang bigyan ng justice and maiparating 'yung meaning talaga ng song.
"Nag-request ako ng another recording which is recently lang. I'm super excited to hear it," sabi ni Mitzi.
Sa Biyernes (August 16), ipe-perform ni Mitzi Josh ang "Could Get Used To You" sa GMA Playlist livestream ng 1:00 p.m. Bisitahin lamang ang GMANetwork.com/Playlist para mapanood ang livestreaming.
Samantala, bago pa man ang kanyang debut single na "Could Get Used To You," naging boses na si Mitzi Josh ng ilang theme songs ng Kapuso series tulad ng "Lumigaya" mula sa Mga Lihim Ni Urduja, "Hadlang Man Ang Mundo" ng Return To Paradise, at "Balik" para sa Royal Blood, kung saan naka-duet niya si Sparkle actor Jeff Moses.