
Nabanggit ng chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board na si Lala Sotto na sa unang pagkakataon ay nagkita na sila sa personal ng It's Showtime host na si Vice Ganda.
Ito ay matapos siyang tanungin tungkol dito nang bumisita ang ilang entertainment media, kasama ang GMANetwork.com, sa kanyang opisina kamakailan.
“We finally met few days ago lang… I was so, so happy to have finally met Vice Ganda. For the first time ko siya nakita in-person,” sabi ni Lala
Ang pagkakataong ito ay naganap sa UNA Fashion Gala ni Paul Cabral sa The Laperal Mansion noong February 27.
Ayon kay Lala, hindi plinano ang kanilang pagkikita pero natutuwa siya dahil sa wakas ang nagkakilala na sila sa personal.
Kuwento niya, “It was the fashion show of Paul Cabral, so nagkita kami dun. Nakakatuwa kasi nobody introduced us. I just, of course, knew na siya si Vice Ganda. Then, nagkataon lang kasi napakaraming tao, so nagkatapat kami. So ayan, nagkita kami, nagbeso kami… nakakatuwa. So happy, finally, nag-meet kami.”
Na-appreciate din daw ni MTRCB chair Lala na kahit sa kabila ng nakaraang isyu ay wala namang masamang sinabi si Vice tungkol sa kanya. Kaya naman naging magaan din ang kanilang pagkikita.
Sabi pa niya, “Nakakatuwa. Praise God. I was so happy.”
TINGNAN ANG CELEBRITIES NA NAGKAAYOS MATAPOS ANG MATAGAL NA DI PAGKAKAUNAWAAN:
Matatandaan na nagkaroon ng kontrobersiya sa pagitan ng MTRCB at It's Showtime noong September 2023 matapos masuspinde ang naturang noontime show sa loob ng 12 araw. Ito ay bunsod diumano ng di kaaya-ayang aksyon nina Vice Ganda at Ion Perez sa “Isip Bata” segment.
Dahil sa suspensyong ipinataw ng MTRCB, inulan ng batikos si Lala at ang kagawaran. Pero hindi naman daw niya ito pinersonal.
Aniya, “I just did my job and I think, ilang buwan na ba ang nakalipas? March na. Marami na ring nangyari after that and I believe we were able to prove that the MTRCB has been very consistent when it comes to decision-making, and when it comes to our stand, especially as the regulatory board, regulatory body and the regulators of movie and television in our country.”
Isa lamang ito sa mga dahilan ng mga pamba-bash sa bagong chairperson ng MTRCB. Marami rin ang kumuwestiyon nang ianunsiyo sa publiko ang kanyang pagiging chairwoman ng naturang kagawaran.
Kaya naman kinumusta siya ng press kung paano niya hina-handle ang bashers.
“Maliit pa 'ko sanay na 'ko sa kanila, kaya thank God,” sagot ni Lala, na anak ng batikang aktres na si Helen Gamboa at TV host-turned-politician Tito Sotto.
Bukod sa pagiging anak ng mga kilalang personalidad, nasanay na rin siya sa pambabatikos dahil naging bahagi na rin siya ng pulitika.
Gayunman, ani Lala, iniiwasan niyang bigyan ng pansin ang bashers.
Katuwiran niya, “I've always believed that bashers and everybody, each of us are entitled to our own opinion so that's their right to air out whatever they want to say, but of course there are limitations, di ba? Kaya may tinatawag na libel, may defamation, may limitations, 'no?
“Pero when it comes to my experience from the bashers, hindi ko talaga napapansin na sa sobrang ka-busy-han. Sa sobrang dami ng workload na ginagawa dito, it's just business as usual to us.
“Hindi lang naman suspension ng shows or cancellation ng shows ang inaatupag namin, marami rin kaming mga cable entities, registrations, licenses, permits to exhibit na inaatupag on a daily basis at mino-monitor na shows so… Hindi lang 'yun, pati mga movies na ri-ne-review every single day.
“So, napakarami naming ginagawa kaya sa ayaw at gusto mo, if you were in my shoes, hindi mo rin talaga mapapansin.”
Ngayong taon, marami pang inihahandang activities ang MTRCB para isulong ang Responsableng Panonood Program sa publiko.