
Ipinatatawag ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB ang mga producer ng noontime variety show na It's Showtime. Ito ay kaugnay ng mga reklamong natanggap na umano'y “inappropriate scenes,” “racially insensitive,” at “colorist remarks” sa July 24 episode ng programa.
Sa inilabas na press release ng MTRCB ngayong Martes, July 28, sinabi ng ahensya na marami silang natanggap na complaints kaugnay ng “Memerimar” skit sa segment na “Laro Laro Pick” at “lugaw" scene ng hosts na sina Vice Ganda at Ion Perez.
Nakasaad sa press release na ipinatatawag ng ahensya ang mga kinatawan ng GMA Network Inc. at ABS-CBN Corporation na humarap sa MTRCB Hearing and Adjudication Committee sa MTRCB Building sa Miyerkules, July 29, sa oras na 10:30 a.m. para sa hearing ng mga natanggap na reklamo.
“Based on the countless letter complaints received and a report from the Agency's Monitoring and Inspection Unit (MIU), the incident in question was a “Memerimar” skit in the noontime TV show's “Laro Laro Pick" segment.
“Concerned citizens called out Vice Ganda's alleged racist, colorist remarks and a 'lugaw' scene featuring Vice Ganda and Ion Perez.
“Before the end of the 25 July 2026 episode of 'It's Showtime,' Vice Ganda issued a public apology for the jokes they made the previous day,” nakasaad sa bahagi ng press release.
Ayon pa sa MTRCB, nais malaman ng ahensya kung tumupad ang It's Showtime sa provisions ng Section 3(c) ng Presidential Decree No. 1986 na ipinagbabawal ang pagpapalabas ng mga TV program na “contrary to law, good customs, public order, public morals, or are otherwise objectionable.”
Dagdag pa rito, maaaring magpadala ng representative o abogado ang respondents sa gaganaping hearing at kailangan nilang magpakita ng proof of authority bago o sa araw ng hearing para makumpirmang sila ang authorized representative.
“The MTRCB said the respondents' failure to appear shall be considered a waiver of their right to present evidence and the matter shall be resolved based on records available to the Board,” saad sa inilabas na notice.
Matatandaan na nag-viral sa social media ang nangyari sa pagitan ng Unkabogable Star at Showtime Babydoll member na si Johaira noong July 24 sa “Laro Laro Pick” segment ng It's Showtime, kung saan bida si Vice Ganda sa “Memerimar” skit.
Maraming viewers at netizens ang hindi nagustuhan ang nangyari sa skit at umani ng backlash online.
Noong July 25, humingi ng paumanhin ang komedyante tungkol sa nabitawan niyang salita kay Johaira.
"Nakarating po sa aming kaalaman na may mga madlang people po na hindi nagustuhan o na-offend sa ilan sa aming jokes o biruan dito sa Showtime, pati na rin sa mga ginagawa namin sa Memerimar na they found the jokes offensive or insensitive,” aniya.
Sinabi rin ng award-winning host at comedian na nakikinig siya at ang buong team ng noontime program sa sentimyento ng publiko at nangakong mas pagbubutihan pa nila.
Dagdag pa niya, "Gusto lang namin ipaalam po sa inyo na the last thing we want is to displease you o hindi mapasaya ang aming madlang people. Kaya naman, ina-acknowledge po namin ang inyong sentimyento at humihingi po kami ng paumanhin sa inyo."
"And we will try to do better. Maraming maraming salamat po."
Related gallery: The most controversial stories of 2025