
Simula ngayong Lunes (October 21) ang pinakabagong inspiring afternoon series ng GMA na Forever Young.
Tampok sa programa ang kakaibang kuwento ng karakter na si Rambo, na ginampanan ng award-winning child actor na si Euwenn Mikaell. Si Rambo ay isang 25-anyos na tatakbo bilang mayor at mayroon siyang natatanging kondisyon na tinatawag na panhypopituitarism, na nakaapekto sa kanyang paglaki.
Dahil kakaiba at inspiring ang drama, labis na excited ang mga cast na mapanood ito ng Kapuso viewers. Isa rito ang Kapuso aktres na si Nadine Samonte.
Sa ginanap na media conference ng palabas, ibinahagi ni Nadine na ang Forever Young ay isa sa pinaka-memorable na show na ginawa niya. Hindi lang dahil sa pambihirang kuwento nito kung hindi pati na rin sa samahan na nabuo nila ng cast at production team.
"Sobra, ito 'yung masasabi kong isa sa pinaka-memorable show na ginawa ko. Sobrang saya, sobrang sarap na makatrabaho lahat ng cast ng Forever Young," ani Nadine.
Kuwento niya rin na very inspiring ang tema ng palabas at maraming aral ang mapupulot ng viewers dito.
"Sa Forever Young marami rin kayo matututunan, maraming aral po ito, and we will always feel forever young," sabi niya.
Gagampanan ni Nadine ang mapagmahal na ina at asawang karakter na si Juday Agapito. Siya ang source of wisdom ng kanyang mga anak na sina Rambo, Raine, at Rylie.
Maliban kay Nadine at Euwenn, kasama rin sa programa ang magagaling na stars na sina Michael De Mesa, Eula Valdes, Rafael Rosell, Alfred Vargas, James Blanco, Matt Lozano, Dang Cruz, Althea Ablan, Princess Aliyah, Bryce Eusebio, at Abdul Raman.
Mapapanood ang Forever Young tuwing 4:00 p.m. sa GMA Afternoon Prime.
SAMANTALA, KILALANIN ANG CAST NG FOREVER YOUNG SA GALLERY NA ITO: