
Umaapaw ang pasasalamat ni Nadine Samonte na nabigyan ng magandang role ng Kapuso Network sa kanyang pagbabalik teleserye sa afternoon series na Forever Young.
Ayon kay Nadine, agad siyang na-excite nang mabasa sa unang pagkakataon ang script ng Forever Young.
"Noong una [kong] mabasa ang script ng Forever Young, I am so excited. Sobra 'yung excitement ko," sabi ni Nadine sa exclusive interview ng GMANetwork.com.
"Sobrang [nagpapasalamat] ako kasi talagang pinagpe-pray ko na sana mabigyan ako ng break ng GMA--na magandang role. And this role, sobrang ganda. Kaya sabi ko, 'Sa Forever Young, ibibigay ko talaga lahat ng best ko. Lahat ng kaya kong ibigay para ma-portray ko nang maayos 'yung role ko."
Sa Forever Young, makikilala si Nadine bilang Juday, ang mapagmahal na ina ni Rambo, na pagbibidahan ng award-winning child actor na si Euwenn Mikaell.
"Ang gagampanan ko pong karakter dito sa Forever Young ay si Juday. Si Juday ay mapagmahal na asawa, mapagmahal na nanay, at maalaga siya. Pero malaki ang takot n'ya na mawala ang pamilya n'ya," paliwanag ng aktres.
Kuwento ni Nadine, nakaka-relate siya sa role sa Forever Young dahil isa rin siyang ina at nararanasan niya ito sa totoong buhay.
"Ang past roles ko kasi more on single ako, more on may kontrabida, may bida na laging inaapi. Dito kasi sa role ko rito is challenging for me because nangyayari sa totoong buhay, so nangyayari sa totoong buhay ko.
"I mean, ako bilang nanay sa mga anak ko. And, 'yung role ko rito bilang nanay rin sa mga anak ko at sa asawa ko. So, ang challenge doon is paano ko mapo-portray nang maayos si Juday, so humuhugot ako sa personal experience ko, sa nangyayari sa buhay."
Na-challenge din ang aktres dahil, aniya, ito ang acting comeback niya sa isang serye.
"At the same time, challenge din for me is, syempre, kababalik ko lang ulit sa soap, so parang nahihirapan ako mag-adjust. So, unti-unti hanggang sa nakukuha ko s'ya.
"Hanggang sa humuhugot ako sa personal experience ko. Hanggang sa dinadala ko s'ya sa pagganap bilang Juday. Hanggang sa pumapasok na sa akin si Juday."
Excited na rin si Nadine na sa nalalapit na airing ng Forever Young, na mapapanood na simula October 21, 4:00 p.m. sa GMA.
"Sobra akong lalong na-excite nung mag-e-air na kami. Finally, magso-showing na kami, 'Thank you, Lord.'
Bukod kay Euwenn Mikaell, makakasama ni Nadine sa Forever Young sina Michael De Mesa, Eula Valdes, Rafael Rosell, Alfred Vargas, Althea Ablan, Princess Aliyah, Bryce Eusebio, James Blanco, Matt Lozano, at Abdul Raman.
Panoorin ang teaser ng Forever Young sa video na ito: