
Masayang ibinalita ng batikang TV host na si Boy Abunda na mapapanood sa season two ng Running Man Philippines ang K-pop star at newest Kapuso na si Nancy McDonie.
Si Nancy ay isang Korean-American performer at dating miyembro ng K-pop girl group na Momoland.
Isa sa mga dapat abangan kay Nancy sa kaniyang pagpirma ng co-management contract sa Sparkle GMA Artist Center ay ang pagiging bahagi niya ng Running Man Philippines.
Ayon sa report ng batikang TV host na si Boy sa “Today's Talk” ng Fast Talk with Boy Abunda, sa Korea pa rin maninirahan si Nancy pero mapapadalas ang kaniyang pagpunta sa Pilipinas para sa mga proyektong gagawin niya rito.
Dagdag pa ni Boy, hawak pa rin si Nancy ng kaniyang Korean management pero lahat ng engagements niya sa Pilipinas gaya ng endorsement, events, television shows, at movies, ay pangungunahan ng Sparkle.
Ayon naman sa Sparkle, interesado umano si Nancy na maging guest sa isang teleserye. Pero isa sa mga magiging unang appearance niya bilang isang Kapuso ay sa second season ng Running Man Philippines na magsisimula ngayong May 11 at 12.
Sa darating na buwan ng Mayo nakatakdang magtungo sa Pilipinas si Nancy para sa isang endorsement at inaasahang maging bisita rin siya sa Fast Talk with Boy Abunda.
RELATED GALLERY: IN PHOTOS: Korean celebs who endorsed local brands