
Lumipad na patungong Uganda si actress, host at beauty queen Herlene Budol para sa Miss Planet International Pageant.
Kasama ang kanyang manager na si Wilbert Tolentino, elegante si Herlene sa yellow pantsuit na nagsilbing departure outfit niya.
Pero pagdating niya sa Uganda, isang 'di magandang balita ang ibinahagi ni Herlene.
Ayon sa kanyang Instagram post, hindi raw nakarating nang buo ang kanyang national costume sa Uganda.
Masyado raw kasing malaki ang kahon na kinalalagyan nito kaya kinailangan paghiwahiwalayin ang mga piraso para maisakay lang sa eroplano.
At dahil pirapiraso na ang costume, hindi nakarating sa Uganda ang isang mahalagang bahagi ng costume.
Sinubukan pa nilang hintayin ang costume pero inabot na sila ng madaling araw sa aiport. Minarapat na ni Herlene na humingi ng tulong.
"Nakakaiyak at sobrang lungkot ng Hipon Girl nyo. 😭😭😭
"Ang National Costume mukhang na disgrasya po ng Airlines. Pag dating ng Airport ayaw ipakarga kesyo over size daw. Then No Choice narin kami at hinayaan nalang namin chinopchop nila at binaklas buong box. Ang masaklap yung pinaka body ng costume hindi nakarating ng UGANDA. buong araw na kami asa Airport at tinengga oras namin at pinangakuan kami na darating ng gabi. pero 2:30am na at wala na silang paramdam. 😭😭😭
"@et_mnl2015 @ethiopian_airlines_ Please Help me!!" sulat niya sa kanyang Instagram account.
Gayunpaman, in style pa rin si Herlene sa pagdating niya sa Uganda. Lumapag siya sa bansa suot ang pula at form-fitting na Filipiniana.
Bilang Binibining Pilipinas 2022 1st runner-up, si Herlene ang kakatawan sa Pilipinas sa Miss Planet International 2022 pageant na itatanghal sa Kampala, Uganda sa November 19.
SAMANTALA, SILIPIN ANG STUNNING TRANSFORMATION NI HERLENE BUDOL SA GALLERY NA ITO: