
"Parang nananaginip pa rin ako."
Ganyan ilarawan ng Soulful Gen Z ng Las Piñas na si Naya Ambi ang kanyang nararamdaman tatlong linggo matapos manalo sa The Clash 2024 noong Disyembre.
Sa kanyang Instagram account, ipinahayag ng 19-year-old singer ang kanyang pasasalamat matapos opisyal na ipakilala sa All-Out Sundays noong Linggo, January 5, bilang bagong miyembro ng 'Queendom' na kinabibilangan ng mga mahuhusay na Kapuso divas na sina Rita Daniela, Zephanie, Hannah Precillas, gayundin ng The Clash graduates na sina Jessica Villarubin, Thea Astley, at Mariane Osabel.
Ani Naya, "Thank you Lord sa opportunity and of course to everyone who believes in me, gagalingan ko pa po lalo."
Kaakibat ng kanyang pagiging The Clash 2024 winner, wagi si Naya ng exclusive management contract sa ilalim ng Sparkle, ang talent management arm ng GMA.
Si Naya ang ikaanim na grand champion ng The Clash matapos sina Golden Cañedo, Jeremiah Tiangco, Jessica Villarubin, Mariane Osabel, at John Rex.
BALIKAN ANG WINNING MOMENT NI NAYA AMBI SA 'THE CLASH 2024'.