
Special guest ang binansagang "Ate Girl" ng It's Showtime na si Jackie Gonzaga sa GMA flagship morning show na Unang Hirit ngayong Martes, April 16.
Sa episode kanina, nagkwento si Jackie kung paano siya naging host ng noontime show mula sa pagiging backup dancer na nag-a-assist sa mga segments nito.
Aniya, nadiskubre siya dahil sa mga impromptu banter nila ni Vice Ganda. "'Pag ako inookray, sumasagot talaga ako sa kanya."
Sumikat din si Jackie dahil sa kanyang mga banat na pickup lines kay Vice.
Sa puntong ito, nagsampol ang TV host ng kanyang nakakakilig na pickup lines sa Unang Hirit weather presenter na si Anjo Pertierra.
Tila kinilig naman si Anjo na nahulog pa sa sofa na kanyang kinauupuan.
Sa isang pickup line, hirit ni Jackie kay Anjo: "Pwede tayong maging bagyo."
Sagot ni Anjo, "Bakit?"
Tugon ni Jackie, pagtukoy sa PAGASA, "Feeling ko kasi may pag-asa tayo."
Tinutukso naman si Anjo ng kanyang co-hosts kay Jackie matapos mamula ang kanyang pisngi.
Sumabak din si Jackie sa 'Sayaw o Sagot' challenge kung saan may choice siya kung sasagutin niya ang tanong o hindi. Kapag hindi niya ito sinagot, kailangan niyang sumayaw bilang consequence.
Sa isang tanong ni Lyn kay Jackie, game niya itong sinagot.
"May pag-asa ba sa 'yo si Anjo?" tanong ng Unang Hirit host.
Banat naman ni Jackie, "Binagyo na nga kami, wala pa ba?"
Sa huli, binigyan ni Anjo ng bulaklak si Jackie bilang pasasalamat sa kanyang pag-guest sa Unang Hirit.
Pahabol pa ni Shaira kay Jackie na tinutukso kay Anjo, "Sana nag-enjoy ka. Si Anjo sobra."
Kinilig naman ang netizens kina Anjo at Jackie na anila'y may chemistry. Base sa comments sa social media, bagay raw ang dalawa.
Panoorin ang guest appearance ni Jackie sa Unang Hirit sa video sa itaas.
Mapapanood ang Unang Hirit weekdays, 5:30 a.m., sa GMA.