
Sa ikaapat na linggo ng Love Revolution, nalaman nina Seifer at Xander na mayroong lalaking pumunta sa bahay ampunan, kung saan sila lumaki, at hinahanap kung mayroong bata roon na nagngangalang Ardy.
Tinulungan naman ni Seifer si Nick na gumamit ng bisikleta ngunit bumagsak ang huli at nasugatan ang kaniyang kamay. Agad namang ginamot ni Seifer ang sugat ni Nick.
Samantala, matapos ang patagong pagpasok ng tatlong lalaki sa loob ng bahay ampunan ay may naganap na pagsabog dito, na ikinagulat nina Seifer at Ingrid, pati na rin ng mga bata at staff na nananatili roon.
Sinubukan namang alamin ni Seifer kung sino ang mga taong gumawa ng pagsabog ngunit agad na nakatakas ang mga salarin. Isa sa mga suspek naman ang nagnakaw ng 2004 record book, na naglalaman ng mga impormasyon ng mga bata, sa opisina ng director ng orphanage.
Dahil dito, tinulungan nina Nick at ng kaniyang ama ang bahay ampunan sa pamamagitan ng pag-aayos ng kanilang surveillance cameras.
Sa pag-uusap naman nina Seifer at Xander, sinabi ng una na kailangan niyang mapalapit sa ina ni Ingrid upang malaman ang kinaroroonan ng kaniyang ama.
Labis na nagulat naman si Nica nang makita niya sina Jack at Lin sa animal shelter na mayroong dalang aso. Dahil siya ay nasa kaniyang tunay na identidad, umalis ng animal shelter si Nica upang magtago kina Jack at Lin.
Nagtungo sa isang coffee shop si Nica upang doon magtago ngunit nagulat siya nang makitang pumasok si Seifer sa loob.
Tuluyan na bang mabibisto ang pagpapanggap ni Nica bilang Nick? Subaybayan ang Love Revolution tuwing weekdays, 9:00 a.m., sa GMA.