Showbiz News

KMJS wagi ng Gold Medal sa 2023 New York Festivals

Nagkamit ng pinakamataas na parangal ang kwentong “Sugat ng Pangungulila” (Wounds of Woes) sa ilalim ng Documentary: Health/Medical Information category. Tinalakay sa nasabing dokyu ang pag-aalala ng inang OFW sa Singapore na si Daylyn sa anak niyang si Daxen na naiwan sa Antique na may hindi matukoy noong sakit sa balat. Sa tulong ng KMJS, pagbabayanihan ng mga kapitbahay, ng local government unit, at ng ospital, na-rescue si Daxen at himalang unti-unting gumaling.

“We are humbled to have 'Sugat ng Pangungulila' receive a Gold Medal from the New York Festivals under the category Health/Medical Information. More than the award, we hope that this story serves as a testament to the power of storytelling-- in giving hope and changing lives,” pahayag ni KMJS host at GMA Public Affairs pillar Jessica Soho sa kanyang acceptance speech.

Bukod sa pagtatampok ng viral at trending topics linggo-linggo, kilala rin ang KMJS sa public service stories nito. Maraming tao ang natulungan at buhay na naisalba at nabago matapos maitampok ang kanilang kuwento sa KMJS.

Ito na ang pangatlong Medalya na nakuha ng KMJS sa NYF sa nakalipas lang na limang taon, matapos itong makakuha ng Bronze Medal noong 2019 at 2022.

Si Soho naman ang kauna-unahang Pilipinong nanalo sa New York Festivals nang nagkamit siya ng Bronze Medal para sa coverage niya ng hostage crisis sa Cagayan Valley noong dekada nobenta. Sa nakalipas na mga taon nag-uwi rin ng Silver at Bronze Medals ang iba pa niyang mga dating programa gaya ng “State of the Nation Address with Jessica Soho” at “Brigada.”

Ngayong nakumpleto na ni Soho ang Gold, Silver, at Bronze Medals ng NYF, lalo lang niyang pinagtibay ang pagkilala sa kanya bilang most awarded Filipino TV journalist habang ang KMJS naman bilang Philippines' most awarded news magazine program.

“We want to express our sincere appreciation to everyone who continues to support #KMJS and lend a hand to the people whose stories we've told. You can count on us to stay true to our commitment to provide #SerbisyongTotoo.” pagtatapos ni Soho sa kanyang speech.

Ang KMJS ang nangunguna pa ring weekend program sa Philippine TV. Nanatili rin itong higante sa social media. KMJS ang most followed Philippine TV program sa Facebook na may 29 million followers. May 20 billion views din ito across social media platforms.

Panoorin ang KMJS tuwing Linggo ng gabi sa GMA, GTV, at Pinoy Hits channels.