Showbiz News

Anjay Anson is willing to sacrifice his personal life just to host 'Unang Hirit'

By Aedrianne Acar

“Ano 'yung tulog? Parang hindi ko na naririnig 'yun.”

Ganito ang pabirong sinabi ng Sparkada heartthrob na si Anjay Anson nang matanong ng GMANetwork.com sa experience niya sa tuwing sasabak sa multi-awarded morning show na Unang Hirit (UH).

Ibinahagi rin ng promising actor at TV host ang typical day niya sa tuwing mero'n siyang shoot for the show.

“Pagka may Unang Hirit ako, na-practice ko na 'yun…So usually, one day before sinasabi nila kung mero'n ako Unang Hirit the next day,” aniya.

“Ang ginagawa kong preparation is kailangan 8 p.m. [or] 9 p.m. nasa bahay na ako. Tapos na dapat ako mag-workout, tapos na ako sa lahat ng gagawin ko, kailangan 9 p.m. nasa kuwarto na ako, naka-ready na ako matulog. By 10 p.m., 'yun na 'yung pinaka-good night ko. Tulog na ako by 10 or 11.

“And then gigising ako ng 2:30 a.m., magre-ready ako, aalis ako ng bahay ng mga around 3:30 or 4 depende sa call time namin and depende rin sa location namin.”

Dagdag pa ng mestizo cutie na may mga kailangan siyang gawing sakripisyo tulad ng hindi na siya nakakasama sa mga night out with his friends.

Kuwento niya sa GMANetwork.com, “Sacrifice talaga. Kasi kailangan early morning pa lang nagre-ready ka na and natutuwa naman ako sa mga kaibigan ko, kasi naiintindihan nila 'yung trabaho ko.

“Minsan nga sila pa 'yung kasama ko, 'yun na 'yung nagiging bonding namin 'yung pagka nasa Unang Hirit ako, minsan sinasama ko sila pagka may mga location shoot, doon na kami tumatambay. Doon na kami nagba-bonding.”

Malaki rin daw ang naitulong ng Kapuso morning show sa personal life niya. Paliwanag ni Anjay, “Okay din siya, I mean nakakatulong din siya sa akin, kasi before ang tulog ko nun 4 o'clock or 3 a.m. Ngayon na-adjust ko na siya and mas na-realize ko na mas okay pala na matulog ng maaga and gumising ng maaga, kesa matulog ng late and then gumising din ng late. Parang mas energized ako pagka ganun.”

Bukod sa Unang Hirit, napanood din si Anjay sa primetime series na Widows' Web (2022) at makakasama rin siya soon sa upcoming sitcom nina Bossing Vic Sotto, Maja Salvador, at Jose Manalo na Open 24/7.

KILALANIN PA NANG HUSTO ANG SPARKADA MEMBER NA SI ANJAY RITO: