Showbiz News

Mark Herras, ayaw maging artista ang anak na si Ada


Inamin ni Kapuso actor Mark Herras sa GMANetwork.com na hindi pa niya laging nakakasama ang anak si Ada. Ayon sa Rhodora X star, sa ngayon ay once a week pa lang niya nakikita ang kanyang baby dahil sa pagiging busy sa trabaho.

Ayon kay Mark, tuwing Linggo niya lang daw nakakasama si Ada. “Every after SAS (Sunday All Stars), pinapasundo ko 'yung baby ko. Then doon siya mag-i-stay pero hindi naman too late dahil baby pa,” aniya.

Kuwento niya, gagawa raw siya ng paraan para mabantayan ang paglaki ni Ada. “Siyempre gusto kong maayos siya. Gusto ko kahit paano [ay] mabantayan ko siya almost every day kung kailangan talaga pero siyempre sobrang busy pa talaga [ngayon],” saad ni Mark.

Nang tanungin naman siya kung ano ba ang mga pangarap niya sa kanyang anak, sinabi niyang na simple lang ang gusto niyang mangyari sa buhay ni Ada. Gusto niya raw itong maging normal na bata na mayroong masayang childhood memories.

“Gusto ko siyempre ipasok siya sa maayos na school. Gusto ko siyang makatapos. Gusto kong i-enjoy niya lahat ng kung anong gusto niyang gawin bilang bata,” paliwanag niya.

Dagdag pa ni Mark, magiging mahigpit daw siyang ama kay Ada lalo na’t babae ang kanyang anak. “Well magiging mahigpit ako pero not to the point na magrerebelde ‘yung anak ko. Kasi ako na-experience ko na mahigpitan before eh,” aniya.

Ayon kay Mark, malaki raw ang naging tulong ng pagiging mahigpit ng kanyang magulang sa kanya noong bata pa siya. Lumaki raw siyang may takot sa mga magulang niya at iyon din ang gusto niyang mangyari sa anak niya.

“Gusto ko maging masaya si Ada mula pagkabata hanggang lumaki at ‘pag dumating na doon sa point na may manliligaw sa kanya, at saka na kami mag-uusap tungkol doon,” pahayag ni Mark.

Papayag ba si Mark na pumasok sa showbiz si Ada paglaki nito? “Hanggat maaari sana huwag muna or hanggat maaari ayoko kasi na-experience ko ang mundo ng showbiz. 17 years old pa lang ako noong pumasok ako sa industriyang ito at alam kong mahirap,” sagot niya.

Patuloy na subaybayan si Mark Herras sa Rhodora X, weeknights after Carmela on GMA Telebabad. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com