Showbiz News

Benipisyaryo ng 4Ps program, Top 1 sa Civil Engineering Licensure exam

By Kristian Eric Javier

Isang benipisyaryo ng 4Ps o ang Pantawid Pamilyang Pilipino program ng Department of Social Welfare Development (DSWD) ang hindi lang basta nagtapos bilang cum laude sa kursong Civil Engineering, kundi naging Top 1 pa ito sa licensure exam.

Ang estudyanteng si Alexis Alegado mula Paway, Ilocos Norte, ay iginapang ng mga magulang ang pag-aaral kasabay ng tatlo pa niyang mga kapatid, sa tulong ng 4Ps na programa ng DSWD.

Sabi ni Alexis, “Basta may determinasyon ka, 'wag mo hayaan 'yung kahirapan na pipigil sa'yo.”

Magsasaka ang tatay niya samantalang labandera naman ang kaniyang nanay. Nagpapasalamat ang mag-asawa dahil nagbunga ang hirap nila sa pagpapaaral sa anak.

Ang 4Ps ay isang conditional cash transfer program ng gobyerno kung saan bibigyan ang mahihirap na pamilya ng cash assistance upang matulungan silang makaahon sa kahirapan. Layunin din programa na mawala ang sobrang kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng pag-i-invest sa kalusugan at edukasyon ng mga kabataan edad 0-18.

Dagdag pa ni DSWD ASEC Romel Lopez, “Ito po talaga 'yung nais ng programa, to break the intergenerational poverty na ika ay ipinanganak na mahirap, lumaking mahirap, eventually, magkakapamilya ka, mahirap pa rin.”

“Kaya hindi tayo nag-i-invest lang, hindi ho ito 'yung 'pocket money mo, pang gastos mo,' hindi ho. Talagang nakatutok tayo sa nutrisyon, edukasyon, at sa health nung mga bata. Nang sa ganun, mabigyan sila ng fighting chance, ika nga,” pagpapatuloy nito.

Bukod kay Alexis, nasa 30,000+ na mga estudyante ang nagtapos ng kolehiyo sa tulong ng programa. Samantalang mahigit 11,000 ay gainfully employed o may trabaho na may maayos na kita.

Ngunit upang matulungan ang iba pang nangangailangang estudyante, halos P102B kada taon ang kakailanganing budget, ayon kay ASEC Romel.

“'Yung panawagan talaga natin sa mga magulang na kabilang sa mga programa, lalong lalo na po sa mga bata, na sila po talaga 'yung target nito, hindi sina mommy at daddy, na sana pagyamanin kung ano man po ang napagambagan ng taong bayan, ng sambayanang Pilipino,” sabi nito.

Dagdag nito, “Kasi it ay prebilehiyo ho, e. Hindi ho ito rights, ika nga.”

SAMANTALA, TINGNAN SA GALLERY NA ITO ANG CELEBRITIES NA NAKAPAGTAPOS DIN SA KOLEHIYO: