Showbiz News

Jose Manalo, aminadong nanibago sa pagbabalik niya sa sitcom

By Aedrianne Acar

Bubusugin kayo sa katatawanan ng bagong sitcom ng GMA-7 in partnership with M-Zet Productions, ang Open 24/7 na mapapanood na simula May 27.

Ang comedy program ang magsisilbing “comeback” ng multi-talented comedian na si Jose Manalo sa isang sitcom. Matatandaan na huling napanood ito sa isang comedy show na Hay, Bahay! na umere mula 2016 hanggang 2017.

Matapos nito napanood si Jose bilang judge sa StarStruck (2019) at nagsilbing host ng Catch Me Out Philippines (2021), bukod sa pagiging mainstay niya sa Eat Bulaga.

Sa idinaos na grand media conference kahapon, May 8 sa Seda Hotel sa Quezon City, inilahad ni Jose ang ilan sa ginawa niyang paghahanda para sa Open 24/7 kung saan makakasama niya sina Maja Salvador at Bossing Vic Sotto.

Paliwanag niya, “Mero'n pa rin, siyempre kailangan iba naman 'yung atake mo sa [dati], matagal ako walang sitcom, kasi nagpapalitan nga kami. So, nanibago pa rin ako, kahit papaano.”

Mahalaga din daw para sa seasoned comedian na matuto sa mga Gen Z cast members nila para may bagong maipakita.

Gagampanan ni Jose ang role ni Spark na kapatid ng karakter ni Bossing na si Boss EZ.

Paliwanag niya, “Puro bata 'yung kasama namin, sabi nga ni Bossing iba na 'yung henerasyon ngayon, so kailangan sasabay na sa kanila. Hindi puwedeng maiiwan ka, e.

“'Yung role namin ni Bossing dito 'pag pinanood mo talagang parang tropa-tropa. Ganu'n hitsura para magba-barkada talaga.

“'Yung preparasyon sinasabi natin, kailangan sunod ka sa agos. Kung ano 'yung bagong joke na puwede gamitin para sa kanila, ibigay sa inyo 'yun po 'yung ginagawa namin.”

Mapapanood din sa Open 24/7 tuwing Sabado ng gabi ang mga Sparkle artists na sina Riel Lomadilla, Anjay Anson, Kimson, Tan, Abed Green, Bruce Roeland at ang Sparkle Sweethearts na sina Allen Ansay at Sofia Pablo.

Huwag papahuli sa mga exclusive content at latest news tungkol sa Open 24/7 by visiting GMANetwork.com and following all the show's official social media pages.